Isang panibagong patutsada na naman ang pinakawalan ni award-winning Kapuso news anchor-journalist Atom Araullo hinggil sa gumugulong na imbestigasyon sa korupsiyon
Sa latest Threads post ni Atom noong Huwebes, Setyembre 4, inihayag niya ang pagtataka sa gitna ng talamak na pandarambong.
“Sa dami ng kunwaring galit sa korapsyon sa gobyerno, magtataka ka rin kung bakit talamak pa rin ang pandarambong sa Pinas,” saad ni Atom.
Dagdag pa niya, “Puro panukala, puro imbestigasyon, puro palabas, puro satsat. Pero ang mga big-time kurakot? Napaparusahan ba? Hindi. Mas nananalo pa sa eleksyon.”
Nauna nang inihayag kamakailan ni Atom ang pagkadisgusto niya sa ilang mambabatas at opisyal sa ipinapakitang performative outrage ng mga ito.
Aniya, “Ang cringe ng performative outrage ng ibang mambabatas at opisyal natin. Eh sila naman yung nakikinabang sa korapsyon. Para namang kaming ipinanganak kahapon mga mamser.”
Maki-Balita: Atom Araullo na-cringe sa performative outrage ng ibang mambabatas, opisyal: 'Sila naman nakikinabang'
Kasalukuyang nasasangkot ang Department of Public Works and Highway (DPWH) sa anomalya ng flood control projects.
Batay sa isiniwalat ng dating kalihim nitong si Sec. Manuel Bonoan, ghost projects umano ang ilan sa flood control na ipinagkaloob sa Wawao Builders, Inc sa Bulacan.
Ayon kay Bonoan, umabot umano sa ₱5.9 bilyon ang halaga ng kontratang ibinigay sa Wawao.
“In Bulacan alone, Wawao Builders had 85 projects amounting to 5.9 billion [...] There seems to be some ghost projects,” anang kalihim.
Kinumpirma naman ito ni DPWH Usec. for Planning Services Maria Catalina Cabral sa ikalawang pagdinig matapos siyang tanungin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada tungkol dito.
Maki-Balita: Opisyal ng DPWH, umamin sa ghost projects ng ahensya