December 16, 2025

Home SHOWBIZ Pelikula

ALAMIN: Ang kahulugan ng petsang 'September 5' sa Bollywood movie na '3 Idiots'

<b>ALAMIN: Ang kahulugan ng petsang 'September 5' sa Bollywood movie na '3 Idiots'</b>
Photo courtesy: softpoison (reddit), The Poster Database (Website)


Hindi maikakailang halos lahat, maliban sa hindi nakapanood, ay alam ang kuwento ng Bollywood movie na “3 Idiots” — mula sa kuwento nito, mga karakter, at maging ang mismong kantang ginamit sa pelikula.

Bukod dito, tuwing pag-uusapan ang pelikulang ito, hindi makakaligtaang pag-usapan ang “iconic” nitong eksena kung saan ipinakikita ang petsang “September 5” na nakaukit sa isang pader. 

Kahihiyan sa gitna ng Teachers’ Day

Tuwing Setyembre 5, ginugunita ang Teachers’ Day sa India. Upang pasinayaan ang mahalagang okasyon, si Chatur (Omi Vaidya) ay nakatakdang maglahad ng isang talumpati para sa kanilang mga propesor.

Noong araw na ‘yon, napahiya ito matapos magbigkas ng isang talumpati na iniba pala ng magkaibigang sina Rancho (Aamir Khan) at Farhan (R. Madhavan), na nagdala sa kaniya sa labis na kahihiyan.

Pelikula

Avengers: Endgame, balik-sine sa 2026!



Dulot nito, nagsimulang magalit si Chatur sa magkakaibigan at madalas na sila ay magtalo at magpayabangan.


Isang “challenge” mula kay Chatur

Nang maranasan ang lubos na kahihiyan matapos pagtripan nina Rancho at Farhan, nagbigay si Chatur ng isang pagsubok sa magkakaibigan na sila ay babalik at magkikita-kita ulit sa IMM Bangalore, sa mismong araw ng Setyembre 5, matapos ang isang buong dekada.

Dito ay ninanais ni Chatur na alamin kung sino nga ba ang tunay na aalwan at magiging matagumpay sa buhay matapos ang kanilang pag-aaral.

Marka ng Tagumpay

Ang Setyembre 5 ay sumisimbolo rin na isang paalala sa mga karakter ng pelikula na gawin ang lahat, ano man ang haraping pagsubok, upang maabot ang pangarap at maging matagumpay sa buhay.

Dahil sa naging pagsubok ni Chatur sa magkakaibigan, tumatak ito sa kanilang isipan at ginamit ito na motibasyon na kung sakali na sila ay magkita-kita matapos ang sampung taon, makikita nila ang isa’t isa na nasa maayos nang kalagayan — may magandang trabaho, may tinutuluyang maayos na bahay, may ipon, may sasakyan na puwedeng gamitin sa pagpasok sa trabaho, may masayang pamilya, at may komportableng buhay.

Sistema ng Edukasyon sa India

Dahil Setyembre 5 ang simula ng pagdiriwang sa kagitingan ng mga guro, itinaon din ang petsang ito upang ipaalala ang estado at lagay ng sistema ng edukasyon sa India.

Ito ay nagsisilbing paalala na ang mga kaguruan ay hindi lang simpleng nagtuturo, sapagkat sila ay nagiging parte ng buhay ng kanilang mga estudyante.

Sila ang siyang humuhubog sa mga ito, nagiging gabay upang pumili ng mga tamang desisyon sa hinaharap, at magbibigay ng kaalaman upang maging handa sa mga pagsubok ng buhay.

Hindi matatawaran ang dalang alaala ng pelikulang “3 Idiots” sapagkat hindi lang Setyembre 5 ang naging marka nito, kung hindi ang mga aral na itinuro nito sa bawat isa.

Vincent Gutierrez/BALITA