Ibinahagi ni Sen. Bam Aquino na kailangan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na maghain ng isang malinaw na plano ukol sa flood control projects sa bansa.
Inilahad ng senador sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Setyembre 3, ang mga kaganapan sa naganap na Development Budget Coordination Committee (DBCC) briefing kamakailan, patungkol sa 2026 National Expenditure Program (NEP).
“Nanindigan tayo na handa tayong burahin ang buong ₱270-bilyong pondo para sa flood control projects sa 2026 national budget kung hindi nito maayos na matutukoy at mailalaan sa mga lugar na tunay na binabaha,” aniya.
“Klaro ang ating panawagan sa paglipat ng ilang pondo sa ibang mahahalagang sektor gaya ng edukasyon at kalusugan,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ng mambabatas ang mga problema sa paaralan tulad ng kakulangan sa mga silid-aralan, mabagal na internet connection, at iba pa. Kung kaya’t nararapat umanong mas bigyan ng suporta at dagdag na budget ang sektor ng edukasyon.
Bukod sa edukasyon, sinuportahan din niya ang dagdag na pondo para sa Universal Healthcare Law, na isinulong ng mambabatas na si Sen. Ejercito.
Matatandaang binalaan ni Sen. Win Gatchalian ang dating kalihim ng DPWH na si Manuel Bonoan, na ilalaan na lamang sa ibang sektor ang pondo na para sa ahensya kung hindi naman sila makabubuo ng mga proyektong iibsan ang labis na baha sa bansa.
MAKI-BALITA: Ililipat pondo sa DepEd? Sen. Win binalaan DPWH sa ‘ampaw’ na flood-control projects-Balita
Maaalala ring naghayag ng isang suhestiyon si Sen. Bam na gumamit ng bagong estratehiya upang bawasan ang masamang epekto ng pagbaha.
MAKI-BALITA: Sen. Bam, nagmungkahi ng bagong estratehiya para masugpo malalang pagbaha-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA