Kinumpima ni Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Cristina Roque na tuluyan nang nagbitiw sa kaniyang puwesto si Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) Executive Director Atty. Herbert Matienzo.
Sa panayam ng media kay Roque nitong Huwebes, Setyembre 4, 2025, iginiit niyang noong Miyerkules, Setyembre 3, nang isumite ni Matienzo ang kaniyang resignation kung saan sa mismong araw ding iyon niya ito tinanggap.
“He cited personal reasons in his letter of resignation. So we accepted his letter. He gave us his letter of resignation noong September 3 and we have also accepted... I have accepted his resignation on September 3,” ani Roque.
Kaugnay nito, inihayag din ni Roque na mayroon na raw silang nakatakdang pangalanan na tatayong Office in Charge (OIC), matapos bakantihin ni Matienzo ang kaniyang posisyon.
“So we have already appointed an OIC for this position,” anang DTI secretary.
Matatandaang nakuwestiyon sa imbestigasyon ng Senado at Kamara ang tila modus ng opisina ni Matienzo na “registration for sale” apara sa mga umano’y construction firms na magkaroon ng legal na lisensya upang magka-operate at makakuha ng proyekto mula sa gobyerno.
Samantala, noong Martes, Setyembre 2, nang imungkahi ni Deputy House Speaker Jefferson Khonghun na ipa-lifestyle check si Matienzo bunsod ng nasabing alegasyon laban sa kaniya.
“Ire-request natin na i-lifestyle check si attorney dahil ang balita rito, ito yung pasimuno na nagbebenta ng mga registration sa PCAB,” ani Khonghun.Dagdag pa niya, “Papaimbestigahan ka namin, attorney ha? Kasi ang info sa amin, nakatira ka sa Ayala, Alabang at ang dami mong sasakyan,” dagdag pa niya.