Nagtungo sa Gate 2 ng Camp Crame sa Quezon City ang Clergy for Good Governance upang ipagprotesta ang pagkakasibak kay dating Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III.
Ayon kay Clergy for Good Governance convenor Father Robert Reyes, malaki raw ang naiambag ni Torre upang mapigilan ang pagkakaroon ng people power para sa mga Duterte.
"Noong siya naging PNP [chief], tumaas ang morale at dangal ng mga kapulisan kasi you have one decent police officer. At kung hindi kay General Torre, nandito pa si Duterte nagpi-people power araw-araw," ani Reyes.
Saad pa niya, hindi raw niya naintindihan ang naturang desisyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., sa pagtanggal niya kay Torre.
"Kaya hindi ko maintindihan si [PBBM], bakit nagkompromiso na naman siya. Mahinang presidente," aniya.
Matatandaang noong Agosto 26, 2025 nang masibak sa puwesto si Torre bilang PNP Chief. Samantala, paglilinaw naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla, wala umanong nilabag sa batas si Torre sa naging mitsa nang pagkasibak niya sa puwesto.
“He did not violate any laws,” sabi ni Remulla. “He has not been charged with any violation. He's not been charged criminally. It is simply a choice of the president to take the redirection for the PNP,” ani Remulla.
KAUGNAY NA BALITA: Torre, walang nilabag na batas—Remulla
Noong Agosto 27, nang kumpirmahin ng Palasyo ang bagong posisyong ibibigay kay Torre bagama’t hindi pa nila opisyal na pinapangalanan ang magiging bago niyang posisyon.
Samantala, inaasahang nakatakdang pailitan ni Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang binakanteng posisyon ni Torre bilang PNP Chief matapos kumpirmahin ng Palasyo ang opisyal na pagkakasibak ni Torre mula sa kaniyang posisyon.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Si P/Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bagong PNP Chief