Usap-usapan ang pag-flex ni Kapuso actress Kris Bernal sa pinapatayo nilang bahay ng mister na si Perry Choi, sa kaniyang TikTok video.
Bukod kasi sa pagsasabing mula sa sariling pinaghirapang pera ang bawat bahagi ng ipinapatayong bahay, tila ito ay patutsada niya sa isa sa mga kontrobersiyal na pahayag ng tinaguriang "nepo babies" at "Disney Princess" na nakakatanggap ng batikos mula sa mga netizen, dahil sa kinasasangkutang umano'y anomalya sa flood control projects, na nagdadawit naman sa kanilang mga magulang at kaanak.
Mababasa sa text caption ni Kris, "The joy of buying every piece of this house from hard-earned money."
Hirit pa niya, "No dad as ATM machine."
Sa caption ng mismong TikTok video post, mababasa: "What’s earned through hard work brings the deepest pride!"
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"naol nalang yong nagsabi na never ending atm machine hindi na nahiya"
"Malalaman mo na hard-earned money kapag hindi super bilis ng construction ng bahay. Kasi may times talaga na kulang or sakto lang yung budget. Kudos sa lahat ng nagttrabaho ng marangal."
"Sorry po pero Tawang-tawa ako sa ATM MACHINE."
"To the people who do not get it, the caption is referencing the viral video ng isa sa mga anak ng mga corrupt politicians 'And thank you dad for being my never ending ATM machine.'"
"wow na wow..sulit ang hirap at pagod if makapagpatayo ng ganito house."
ISYU SA ENCISO SISTERS
Ang mga nepo babies, na bagama't matagal nang nag-eexist na salita bilang panlarawan sa mga personalidad na nakilala dahil sa matunog, kilala, o sikat na pangalan o imahe ng kanilang mga magulang o kaanak, ay ikinakapit ngayon sa mga anak ng mga nasasangkot sa mga alegasyon ng anomalya ng flood control projects, na nagbabalandra ng lavish lifestyle o maluhong pamumuhay.
Ilan sa mga umano'y nepo babies na talaga namang kinukuyog ng mga netizen ngayon ay si Claudine Co na anak ni Christopher Co, co-founder ng Hi-Tone Construction and Development Corp., at pamangkin naman ni Ako Bicol partylist Rep. Elizaldy Co.
Isa pa sa mga binabanatan ng mga netizen ay si Jammy Cruz na anak naman ni Noel Cruz, general manager ng Sto. Cristo Construction and Trading, Inc.
Ang jowa naman ni Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition 4th Big Placer at Star Magic artist River Joseph, na si Gela Alonte, at nakakaranas din ng bashing sa social media dahil sa mga video niya na nagpapakita ng madalas na pagbabakasyon sa ibang bansa, pagsusuot ng mga mamahaling damit, branded bags, at iba pang mga umano'y luho na aabot sa milyon ang presyo.
Hindi rin nakaligtas sa batikos ng mga netizen ang magkapatid na Enciso na sina Verniece at Vern, na anak ni Verne Enciso na direktor ng Bureau of Customs (BOC).
Inungkat pa ng mga netizen ang lumang video ni Vern Enciso noong 2013 sa "Eye Candy" kung saan pinasalamatan ni Vern ang ama sa pagiging "never ending Automated Teller Machine o ATM."
"And lastly, I would like to thank my dad for always being there and for being my never ending ATM machine," aniya.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ang terminolohiyang 'nepotismo' at pag-usbong ng 'nepo babies'