Nagtungo ang mga miyembro ng isang disaster survivor and environment group sa compound ng St. Gerrard Constructions umaga noong Huwebes, Setyembre 4.
At bilang protesta, nagkumpol sa tapat ng construction compound ang mga miyembro ng nasabing grupo, kung saan dito ay pinagbabato nila ng putik ang gate.
Dito rin ay sumisigaw ang mga ito ng mga katagang, “Discaya, ikulong! Kurakot panagutin,” at “Discaya, magnanakaw.”
Sa kaugnay na balita, humarap sa Senado si Sarah Discaya bilang parte ng patuloy na imbestigasyon sa mga anomalya ng flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong Lunes, Setyembre 1.
Dito ay isiniwalat na isa lamang ang St. Gerrard Construction sa 9 pang construction firms ang pagmamay-ari ng mga Discaya, kung kaya’t binansagan ang mga ito ng Philippine Center for Investigative Journalism bilang, “King and Queen of Flood Control.”
Matatandaan ding sa 15 construction firms na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dalawang firm na kanilang pagmamay-ari, ang Alpha and Omega Construction at St. Timothy Construction ang pumaldo sa flood control projects.
KAUGNAY NA BALITA: 9 na umano'y construction firm ng mga Discaya, isiniwalat ni Hontiveros
Kasama rin sa mga isiniwalat sa imbestigasyon ay ang umano’y 28 luxury cars na pagmamay-ari nito, at base pa sa pahayag ni Sarah Discaya, ay umaabot sa isa o hanggang tatlong mamahaling kotse ang nabibili sa loob lamang ng isang taon.
At kung kukwentahin ang presyo ng nasabing luxury cars na nabili umano’y nabili ng mag-asawa mula taong 2016 hanggang 2025, ito’y magkakahalaga ng humigit-kumulang ₱158 milyon.
KAUGNAY NA BALITA: Sarah Discaya, umaabot sa isa hanggang tatlo binibiling luxury car sa isang taon
Sean Antonio/BALITA