Pinagsumite ng Korte Suprema ang mga aplikante sa pagka-Ombudsman na sina Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin Remulla at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chair Felix Reyes ng clearance sa pending cases na nakahain laban sa kanila.
Sa panayam kay Supreme Court (SC) spokesperson Camille Ting kamakailan, ang pagsusumite ng clearance ay hanggang sa araw ng pinal na deliberasyon.
"The list may be out in a few weeks,” saad lamang niya ng tanungin kung kailan ang araw ng final na deliberasyon.
At kung hindi makakapagsumite ng clearance ang mga aplikante, hindi sila mapapabilang sa shortlist ng mga pangalan na pagpipilian ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“The Ombudsman himself or herself is the one who’s prosecuting and investigating our government officials dapat of good moral standing and of good moral character sila,” paglilinaw niya nang tanungin kung bakit mahalaga sa Korte Suprema ang Ombudsman Clearance bago mag-shortlist o magtalaga ng isang Ombudsman.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Sino-sino ang mga aplikante para sa pagka-Ombudsman?
Matatandaan na si Remulla, kasama ang ibang opisyal ay iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman para sa criminal charges na konektado sa pag-aresto at turnover ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, the Netherlands.
Si Reyes naman ay inakusahan ni whistleblower Julie Patidongan na umano’y may koneksyon sa kaso ni Charlie “Atong” Ang sa umano’y pagpatay at pagkawala ng mga sabungero.
Ayon sa Konstitusyon, si PBBM ay may hanggang Oktubre 25 para pumili ng magiging bagong Ombudsman, kapalit ni dating Ombudsman Samuel Martires matapos ang 7 taong termino nito noong Hulyo 27.
Sean Antonio/BALITA