Kinilala ni Department of Education (DepEd) Sonny Angara ang kakulangan ng guidance counselors sa mga eskwelahan sa kasagsagan ng patuloy na pagtaas ng bullying cases sa bansa.
Sa briefing ng Kamara hinggil sa panukalang 2026 budget ng DepEd noong Miyerkules, Setyembre 3, binanggit ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co na mayroon lamang 4,069 registered licensed guidance counselors sa bansa.
Kung saan, ito’y malaking kakapusan kumpara sa kailangang 54,000 na bilang para maabot ang ideal global ratio na 1 counselor para sa bawat 250 na estudyante.
Bilang sagot, binanggit ni Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara na bagama’t mayroon lamang 30,000 bilang ng psychometricians sa buong bansa, na isang “supply problem,” kinikilala niyang ito’y isang problema na dapat tugunan “over-time” at hindi “overnight.”
“We are working closely together with CHED (Commission on Higher Education) and the PRC (Professional Regulation Commission) kasi may mga requirements na medyo unrealistic na po,” aniya.
“There are regions where there are zero enrollees in these programs, so that is something that cannot be solved by DepEd alone, but has to be solved in conjunction with other education agencies,” dagdag pa niya.
Nabanggit din ni Angara na sa kasalukuyan, nagsasagawa sila ng “scrap and build” sa DepEd, kung saan, nagbukas sila counselor associate positions bilang pamalit sa guidance counselor positions dahil sa kaunting pumapasok sa dito.
Sa pagiging counselor associate, ayon sa kalihim, ay bachelor’s degree o units na lamang sa psychology ang kailangan, kumpara sa pagiging guidance counselor ay kinakailangan ng master’s degree.
Ayon din sa kalihim, ang DepEd ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa mga ahensya at civil society organizations para magsagawa ng counseling, kung saan nakita nilang epektibo sa karamihan ng estudyante ang “peer counseling.”
Sa kaugnay na balita, inilathala rin ng DepEd na tumaas sa 2,500 para sa school year 2024 - 2025 ang kaso ng bullying sa bansa mula 2,268 noong 2023 - 2024.
Kung kaya naman, pinangunahan ng ahensya ang isang Executive Committee (Execom) meeting kamakailan para tipunin ang iba’t ibang ahensya, civil society organizations, at mga eksperto sa akademya para mapag-usapan at mabigyan solusyon ang bilang na ito.
“To effectively combat bullying, we need to work not just inside the schools, but also in the households and communities where our learners come from. This is not just a school matter, it is a national priority that demands a whole-of-government, whole-of-society response,” saad ni Angara.
Dito ay naisulat din ang Default Policy on School Safety and Security, kung saan pinoprotektahan ang mga mag-aaral laban sa karahasan.
Sean Antonio/BALITA