Iginiit ng Malacañang na hindi umano nanaisin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mauwi sa marahas na kaganapan ang gagawin ng mga tao para sa ilang mga kontratistang may kaugnayan sa maanomalyang flood-control projects.
Ipinahayag ito ni Undersecretary at Palace Press Office Atty. Claire Castro sa naging press briefing ng Malacañang ngayong Huwebes, Setyembre 4, 2025.
Ayon kay Castro, hindi umano magugustuhan ni PBBM na makitang nagkakagulo ang taumbayan kaugnay sa naganap na pagsugod ng militanteng grupo kaninang umaga ng Huwebes, Setyembre 4 sa compound ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
“Hindi po nanaisin ng pangulo na ganito ang mangyari. Sabi nga po ng pangulo, sinusunod nga po natin ang due process,” saad ni Castro.
Nilinaw naman ni Castro sa taumbayan na para rin sa kanila ang ginagawang imbestigasyon ngayon sa maanomalyang flood-control project kung saan nasasangkot ang mga Discaya at iba pang mga kontratista.
“Sa mga kapuwa nating Pilipino, ang pag-iimbestigang ginagawa po ng pangulo [at] ang pag-uutos na imbestigahan lahat ay para din po sa taumbayan,” anang Castro.
Binigyang-diin ni Castro na hindi rin ninanais ng pangulo na magkaroon ng kaguluhan dahil sa mga mali umanong impormasyon na nagpapalakas sa damdamin ng taumbayan.
“Pero hindi [niya] po ninanais na magkaroon ng kaguluhan dahil lamang sa may mga maling information. Dahil ito daw ay ginagamit para mas paalabin ang galit ng mga Pilipino,” aniya.
Pahabol pa ni Castro, “[h]indi po iyon ang nais ng pangulo.”
Kaugnay ang usaping ito sa nagawang pagsugod ng mga raliyista sa harapan ng compound ng St. Gerrard Construction na pagmamay-ari ng mga Discaya nitong umaga ng Huwebes, Setyembre 4.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang grupo, pinagbabato ng putik ang gate ng construction compound ng mga Discaya
Nagprotesta at kinalampag ng mga militanteng grupo ang harapan ng nasabing gusali sa Pasig City.
Pinagbabato nila ng putik at sinulatan ng malalaking salitang “magnanakaw” ang harapan ng gate ng St. Gerrard Construction.
Dito rin ay sumisigaw ang mga ito ng mga katagang, “Discaya, ikulong! Kurakot panagutin,” at “Discaya, magnanakaw.”
Naglabas naman ng pahayag ang kampo ng mga Discaya sa pamamagitan ng isang interview dinaluhan ng abogado nilang si Atty. Cornelio Samaniego III.
KAUGNAY NA BALITA: 'Pumalag!' Mga Discaya, kakasuhan organizer ng kilos-protestang sumugod sa St. Gerrard
Ayon kay Atty. Samaniego, magbibigay umano ng kaukulang reklamo ang kampo ng mga Discya para sa organizer ng isinagawang kilos-protesta.
"Fa-file-lan po namin yung organizer ng criminal case," ayon kay Samaniego.
Naibahagi rin ng abogado na nalungkot din daw ang mag-asawang Discaya sa nangyaring pagsugod ng grupo ng environmental group.
Samantala, matapos ang nangyaring pangangalampag ng mga militanteng grupo, agad din silang umalis sa naturang lugar pagkatapos ng protesta.
Mc Vincent Mirabuna/Balita