Umapela ang batikang aktres na si Angel Aquino at social media personality na si Queen Hera na magsagawa ng pag-aksyon para mahinto na ang "deepfake pornography" sa bansa.
Sa isinagawang pagdinig sa Senado, sa pangunguna ni Sen. Risa Hontiveros, ibinahagi ni Queen Hera ang nakaranasang pang-aabuso kung saan ginamit ang larawan ng kaniyang anak sa paggawa ng deepfake photos.
Si Angel naman, isinalaysay ang masaklap na karanasan nang gamitin ang kaniyang mukha sa paggawa ng mga malalaswang video.
“Knowing na wala nang safe kahit sa online kahit sobrang inosente nung post mo, hindi ligtas ’yon sa mga taong nakakapanood. Hindi natin alam ’yung intensyon nila,” pahayag ni Queen Hera.
Segunda naman ni Aquino, naiintindihan daw niya na isa siyang "public property" subalit hindi raw nangangahulugang gagawin na ito sa kaniya.
"Putting ourselves out there doesn’t mean give people consent to demean us, defame us, harass us, or take us as a part or do whatever they want to do to us," aniya.
Ibinahagi naman ni Hontiveros sa kaniyang Facebook post ang tungkol dito at nangakong aaksyunan ito.
Aniya, ang mga karanasan ng dalawa ay makatutulong para sa Expanded Safe Spaces Act.
"Lubos na pasasalamat kay Ms. Angel Aquino at Queen Hera sa paglalakas-loob na tumayo at magsalita laban sa paggamit ng deepfake at AI sa kabastusan at kalaswaan," anang senadora.
"Queen Hera, the mother of a young child whose likeness was used in the creation of child sexual abuse and exploitation materials, and Ms. Angel Aquino, whose images were used in an explicit deepfake video."
"Sigurado po ako na nagsilbi kayong boses para sa marami pang ibang babae at batang may parehong karanasan."
"We will see to it that your experiences will be taken into account as we push for the Expanded Safe Spaces Act."
"Kailangan ng batas para tunay na matugunan ang mga banta ng AI laban sa ating kababaihan at kabataan," aniya pa.