Handa na sa kanilang durian production ang 450 na magsasakang nakapagtapos sa Durian Production Program ng School-on-the-Air (SOA) sa ilalim ng Department of Agriculture - Davao (DA -11) kamakailan.
Ang nasabing programa ay umarangkada mula Hulyo 15 hanggang Agosto 22, kung saan, layon nitong palawigin ang produksyon, pagpo-proseso, at marketing ng mga durian sa rehiyon ng Davao nang hindi kinakailangan ng mga magsasaka na umalis sa kanilang sakahan.
Ang SOA rin ay nagbibigay solusyon sa mga hadlang na kinakaharap ng maraming durian growers tulad ng limitadong access sa science-based technology, poor farm management, at iba pang mga isyu na nakaapekto sa kalidad nito sa pag-ani.
“SOA is a proven distance learning strategy using radio as a medium to reach a wider audience of farmers, rural families, and agri-preneurs,” saad ni Janelle Flores, ang tumatayong Chief ng DA-11 Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS).
Sa kaugnay na balita, ang rehiyon ng Davao ay kinikilala bilang “Top Durian Producer” ng bansa, kung saan, mayroong 1.3 milyong puno ang nakatanim sa 16,600 ektaryang lupa, ayon kay Durian Industry Association of Davao City President Emmanuel Belviz.
At noong taong 2023 lamang, ang Pilipinas ay nakapag-export ng 4,971 metriko toneladang durian sa mga bansang China, Hong Kong, Japan, Malaysia, Singapore, Qatar, United Arab Emirates (UAE), at Norway.
Sa taong 2025 naman, pumasok na rin sa bansang Egypt ang exporting ng mga durian, habang ang China ay kinokonsidera ring unang “frozen” durian shipment simula Pebrero ng taon.
Sean Antonio/BALITA