Sinagot ni Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang balak umano ni Sen. Imee Marcos na harangin si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kung sakaling siya ang maging susunod na Ombudsman.
Sa kaniyang press briefing nitong Miyerkules, Setyembre 3, 2025, isang tanong ang iniwan ni Castro para kay Remulla.
“Ano po ba yung nais n’yang ipahiwatig? Pagbibigay hustisya para sa bayan? O Pagpoprotekta para sa kaibigan?” ani Castro.
Dagdag pa niya, “Ang nais n’ya po bang Ombudsman ay hindi kakantiin o sasampahan ng kaso ang dapat masampahan? Ang mga Duterte? Ang mga kaibigan ng Duterte? Eh allies ng mga Duterte?
Nilinaw din ni Castro na ang Ombudsman ay isang independent constitutional body na hindi dapat pinanghihimasukan.
“Hindi po ba nararapat po na mas maging independent ang magiging Ombudsman dahil independent constitutional body naman ito? At kinakailangan magsampa ng kaso kung nararapat,” ani Castro.
Kamakailan lang nang ihayag ng senadora ang kaniyang pagtutol na mapunta kay Remulla ang liderato ng Ombudsman dahil balak lang daw nitong ipakulong si Vice President Sara Duterte.
“Ipipilit nila na si Boying ang maging ombudsman para mapakulong si VP Inday Sara bago mag-2027,” ani Marcos sa media.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee Marcos, tutol maging Ombudsman si Remulla; ipapakulong lang umano si VP Sara
Matatandaang noong Mayo 2025 nang tuluyang magsampa ng reklamo sa Ombudsman si Sen. Imee laban sa limang top official government, kabilang si Justice Secretary Remulla na nagsumite rin ng aplikasyon sa pagka-Ombudsman.
KAUGNAY NA BALITA: DOJ Sec. Remulla, inaasam posisyon sa Ombudsman: 'I have a lot to offer there!'
Naglabas din ng isang pahayag ang senadora hinggil sa umano’y suhulan na nangyayari sa pagitan ng ilang personalidad at Officer In Charge (OIC) Ombudsman Dante Vargas, upang ibasura ang nasabi niyang reklamo laban kina Remulla at mailuklok ito sa pagka-Ombudsman.
“May mga nagsabi sa’kin na si OIC Ombudsman Dante Vargas ay pine-pressure ngayon. Kasama dito ang malalaking halaga ng suhol, sinusubukan ang kaniyang karangalan—mula sa ilang makapangyarihang tao para lang ibasura ang isang kontrobersyal na kaso na aking inihain,” ani Marcos.
KAUGNAY NA BALITA: Sinusuhulang ibasura inihaing kaso? Apela ni Sen. Imee sa OIC ng Ombudsman, ‘Wag magpasakop, dinggin ang konsensya!’