Ipinagmalaki ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian ang pagbaba raw ng kagutuman sa bansa, sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Setyembre 3.
Aniya, ito raw ay nakalinya sa mandato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pasinayaan ng ahensya ang “Walang Gutom Program.”
“Kung malalagay ko lang sa tamang konteksto, noong 2023, sinimulan natin ang Walang Gutom Program na inutos ng ating Pangulo. Ang mandato ng ating Pangulo sa DSWD, wakasan ang kagutuman,” ani Gatchalian.
“Tumugon ang DSWD sa pamamagitan ng “Walang Gutom Program” kung saan ngayon, 300,000 na pamilya na ang bahagi ng programa,” dagdag pa nito.
Pagdiin pa ng kalihim, tuloy-tuloy umano ang serbisyo ng programa upang bumaba ang bilang ng mga food-poor families sa bansa.
“Patuloy naming tinututukan 'yong 300,000 na food-poor families dahil naniniwala ang DSWD na 'pag maiangat natin or mabawasan natin ang kagutuman sa hanay nila, 'yong average natin pagdating sa hunger ay bababa rin,” anang kalihim.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Walang magugutom sa panahon ng kalamidad:’ DSWD, tiniyak sa publiko na nakahanda ang relief resources-Balita
Ibinahagi niya rin ang ilan pa sa mga plano ng ahensya upang matugunan ang adhikain ng kanilang programa.
“Sa mga darating na buwan, tulad ng na-report namin the last time, nasa process na kami ng pag-expand ng program. By the end of the year, 600,000 na ang magiging bahagi nitong programa from 300,000,” aniya.
“From [the] first half of next year, the last 150,000 para makuha na natin 'yong total of 750,000 food-poor families na natala ng PSA,” dagdag pa niya.
Katuwang ng DSWD ang Globe at Monde Nissin Corporation upang ikomisyon ang sarbey, habang nakibahagi rin ang Social Weather Station (SWS) upang ipaliwanag naman ang resulta.
KAUGNAY NA BALITA: 35% ng mga Pinoy, guminhawa raw ang buhay sa nagdaang taon — SWS-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA