Ibinida ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. bilang kauna-unahang Pangulo ng Pilipinas na nagsagawa ng malawakang imbestigasyon hinggil sa mga anomalya ng flood control projects.
Sa isinagawang press briefing sa Malacañang Palace nitong Miyerkules, Setyembre 3, natanong si Castro ni Eden Santos ng NET25 kung magkano ba talaga ang total budget ng flood control budget mula 2022 hanggang 2025, at kung may liability ba ang Pangulo sa maanomalyang flood control projects.
Sagot ni Castro, "Ang 2022, kung mapapansin po natin, ay hindi po ang sa panahon ni Pangulong Marcos 'to ginawa. Nagsimula po sila for the 2023, 2024, 2025, at ang lahat po ng budget nito ay makikita naman po sa GAA at ito po'y naka-publish naman."
"At patungkol po sa liability na tinatanong po ni Miss Eden, ano po bang liability ang naiisip po ninyo?" balik na tanong ni Castro.
Sagot naman ni Santos, "Binabanggit po kasi na since ang Pangulo ay alam din po niya 'yong budget, ano po ba ang kaniyang pananagutan din bilang Pangulo po ng ating bansa at mukhang hindi po agad nalaman kasi itong three years lang na ito nabanggit itong mga contractors, ibinunyag niya 'yong 15, tapos nag-inspect po siya, nakita na may mga ghost projects dito sa mga flood control po na ito sa buong tatlong taon ng panunungkulan po."
Sagot naman ni Castro, "Tandaan po natin mismong ang Pangulong Marcos, Jr. ang nagpapaimbestiga. Dahil nalaman po niya kung ano ang nangyayari, at siya po ang bumisita mismo. Wala pa pong Pangulo sa history na gumawa ng ganitong malawakang pag-iimbestiga sa mga maanomalyang flood control projects."
Dagdag pa ni Castro, kahit na tinamaan daw ang sariling administrasyon, naging matapang daw si PBBM na ito ay paimbestigahan.
Karugtong nito, binanggit din ni Castro ang tungkol sa imbestigasyon ng Senado sa maanomalyang flood control projects, noong Lunes, Setyembre 1.
Ayon kay Castro, dahil daw sa imbestigasyon ng Senado, ay naungkat na nga raw ang iba't ibang mga umano'y "ghost" flood control projects noong 2016, 2018, at 2021.
Partikular na binanggit ni Castro si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa, kung saan, nausisa raw niya ang kontrobersiyal na contractor na si Sarah Discaya na 2016 pa pala namamayagpag sa ganitong proyekto.
"Dahil sa pag-iimbestiga na ito, naisiwalat din at napatunayan ni Secretary [Senador] Bato Dela Rosa na ang mga Discaya ay 2016 pa pala namamayagpag sa flood control projects, na sila mismo ay nasasabing sangkot sa ghost flood control projects," giit ni Castro.
Dagdag pa, "At 'yong inirereklamo ni Mayor [Benjamin] Magalong... 2018 pa pala ito proyekto, at 'yong nireklamo kay Pangulo, na binisita sa Bulacan, ay 2021 pala ito nagawa."
Mainit na pinag-uusapan ng mga netizen ang naging sagot ng kontrobersiyal ni Discaya nang mausisa ni Sen. Dela Rosa kung kailan nagsimula ang kanilang flood control projects, sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa ikalawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, Lunes, Setyembre 1.
Dito ay natanong siya ni Sen. Dela Rosa kung kailan silang nagsimulang maging contractor ng DPWH. Ginawang batayan ng senador ang nag-viral na video clip mula sa vlog ni broadcast journalist Julius Babao sa mag-asawang Discaya, kung saan, sinabi ni Sarah na nagsimula silang "yumaman" nang mag-DPWH na sila.
Sagot ni Discaya, 2012 pa sila nagsimulang makipagtuwang ng trabaho sa DPWH.
Muli itong iginiit ni Discaya nang muli siyang uriratin ng senador dahil tila hindi raw tiyak o sigurado ang kaniyang sagot.
Sumunod na inusisa naman ni Dela Rosa ay kung kailan sila nagsimula ng flood control projects.
"'Yong mga flood control projects, kailangan kayo nag-engage sa flood control projects sa DPWH?" anang senador.
Sagot ni Discaya, "Siguro mga 2016 onwards."
Kambyo agad ng senador, "Please make sure of your answer. 2016?"
Sagot naman ulit ni Discaya, "Yes po, 2016 onwards po..."
Pinagkaguluhan naman sa social media ang video clip nito, dahil ang taong 2016, ay panahon kung kailan naupong pangulo ng bansa si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, nausisa rin si Discaya pagdating naman sa kontrobersiyal na luxury cars na naitampok din sa vlog ni Babao.
Nauna nang binanggit ni Discaya na 28 lang ang luxury cars nila, taliwas sa unang nabanggit niya sa mga interview, na nasa 40 ang luxury cars na meron sila ng asawa niyang si Pacifico "Curlee" Discaya.
"Paano kayo nagkainteres sa kotse? Saan n'yo gagamitin yung 28 luxury cars? Araw-araw gusto mo magpalit ng kotse?" usisa naman sa kaniya ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada.
"I have four kids that use it all the time...," sagot naman ni Discaya.
"And you bought that from the taxpayers' money?" tahasang pagtatanong ng senador.
"No po. Hindi po," sagot ng dating Pasig City mayoral candidate.
"Huwag na tayong maglokohan dito," saad pa ni Estrada.
Kaugnay nito, inamin ni Discaya na bumili siya ng isang luxury car dahil natuwa siya sa payong na feature nito.
KAUGNAY NA BALITA: Castro kay Bato: 'Naisiwalat mga Discaya 2016 pa namamayagpag sa flood control projects!'