Nagkomento si Pasig City Mayor Vico Sotto hinggil sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa maanomalyang ng flood control project.
Sa panayam ng media kay Sotto nitong Miyerkules, Setyembre 3, 2025, nanindigan siyang kailangan daw na may managot at makulong sa lahat ng mga nasasangkot sa nasabing anomalya ng naturang proyekto.
“Ang importante dito, managot ang dapat managot. Whether they are government officials, contractors, suppliers, politicians or career officials, importante may managot,” anang alkalde.
Nanawagan din siya sa publiko hinggil sa pagpapanatili raw na maging buhay ang isyu at hindi raw dapat ito mabaon sa limot sa paglipas ng mga buwan at taon.
“Hindi pwedeng pagkatapos ng ilang buwan tatahimik na lang ang ilang isyu. ‘Wag tayong pumayag bilang mamamayang Pilipino, bilang government official, bilang ordinaryong mamamayan, bilang media—huwag tayong pumayag na magkalimutan tayo. After two months, after two years for that matter,” ani Vico.
Dagdag pa niya, “Kailangan manatiling buhay ang isyu. Kailangan makasuhan ang dapat makasuhan.”
Matatandaang makailang beses nang nagbigay ng kaniyang pahayag si Vico kaugnay ng imbestigasyon ng flood control projects, kabilang na ang tila mga pasaring umano sa mga sangkot sa anomalya at korapsyon.
"Ang hirap ano kasi wala naman masamang maging mayaman kung galing 'yan sa maayos na paraan, kung pinaghirapan 'yan wala namang masama. Of course, as public officials we have the code of ethics [...]," saad ni Sotto sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News.
KAUGNAY NA BALITA: Vico Sotto: 'Dati ang mga usong kuwento, from rags to riches. Ngayon, from robs to riches.'
Hindi rin niya pinalampas ang mga Discaya na kaniyang nakatunggali noon sa politika na ngayo’y nasasangkot sa mga kontraktor na nakapangulimbat umano ng malalaking pondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“When being questioned by Sen. Erwin Tulfo, Madam Cezarah distanced herself from 8 out of their 9 companies[...] B[ut what’s the truth?] Nadulas din siya (o nalito na sa lahat ng kasinungalingan??) sa loob lamang ng ilang minuto,” ani Sotto.
KAUGNAY NA BALITA: Vico Sotto sa Senate hearing sa mga Discaya: 'Di sila masyadong honest'