Ibinigay ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang kredito kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon dahil sa naging mahalagang papel nito sa paglutas ng mga legal na isyu na nagdulot ng pagkaantala sa pagpapatayo ng Metro Manila Subway Station sa Metrowalk Ortigas Center, Pasig.
Sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Setyembre 3, ibinahagi ni Sotto na nasaksihan niya ang pagsisimula ng demolisyon sa bahagi ng Metrowalk, sa pangunguna ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez, upang bigyang-daan ang pagtatayo ng subway station.
“Due to several legal issues, the project was delayed. Now, with the writ of possession and all necessary permits, there should be no further roadblocks,” ani Sotto.
Ibinigay rin ng alkalde ang pagkilala kay Dizon—na noo’y kalihim ng DOTr—matapos nitong maresolba ang ilang mga usapin na matagal nang naging hadlang sa proyekto.
“Credit to former DOTr Sec. [now-DPWH] Vince Dizon because it was under his leadership that these issues were settled. Pati yung isang issue na concern ng LGU na ilang taon pinag-usapan, siya ang nakapag-ayos (parang 2 buwan pa lang siyang secretary nun),” dagdag pa niya.
Tiniyak din ni Sotto na handa ang lokal na pamahalaan ng Pasig na makipagtulungan upang maisakatuparan nang maayos ang proyekto.
"The LGU will continue to assist and do everything we can to help make sure the [project] goes smoothly. Kung may sumubok pang harangan o idelay pa ang proyekto, naka-ready lang kami rito para tumulong," aniya.
Ayon kay Sotto, sabik na ang mga Pasigueño sa pagkakaroon ng dalawang estasyon ng Metro Manila Subway sa kanilang lungsod, na inaasahang makatutulong sa pagbawas ng matinding trapiko sa Kalakhang Maynila.
Matatandaang kamakailan lamang ay itinalagang kalihim ng DPWH si Dizon matapos magbitiw sa tungkulin ang dating kalihim na si Manuel Bonoan.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, pinanumpa na sina Dizon, Lopez sa mga bagong posisyon
Ito ay dahil sa patuloy na imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects, sangkot ang ilang contractors, opisyal ng pamahalaan, at umano'y ilang mga tao sa DPWH.
Isa sa mga ipinatawag sa isinagawang Senate Blue Ribbon Committee patungkol dito ay si Sarah Discaya, ang nakalaban ni Sotto sa pagka-mayor ng Pasig City.
Naging kontrobersiyal din ang pagsita ni Sotto sa ilang mamamahayag na umano'y "nagpabayad" upang makapanayam ang mga Discaya sa kanilang programa at vlog.
Bagay na pinalagan naman ng dalawang batikang broadcast journalists na sina Korina Sanchez at Julius Babao. Anila, wala umanong katotohanan ang mga akusasyon ni Sotto at hindi sila tumanggap ng ₱10 milyon kapalit ng panayam sa mga Discaya.
KAUGNAY NA BALITA: Vico Sotto sa pagsita sa journalists: 'Di naman ako gumagawa ng isyu para magpasikat'
Samantala, ang video clips naman mula sa vlog ni Babao ang ginamit na batayan ng mga senador nang gisahin nila si Discaya hinggil sa luxury cars nito, na aniya, ay aabot sa 28.
Noong Martes, Setyembre 2, nagsadya ang Bureau of Customs sa balwarte ng mga Discaya upang tingnan ang kanilang mga kontrobersyal na sasakyan, sa bisa ng search warrant.
KAUGNAY NA BALITA: BOC, pinasok construction firm ng mga Discaya para maghain ng search warrant vs luxury cars
Kinagabihan ay nakumpiska na ng BOC ang 12 luxury cars ng Pamilya Discaya.
KAUGNAY NA BALITA: Customs, nakumpiska na 12 luxury cars ng Pamilya Discaya