Nagbahagi ng witty jokes ang aktres na si Bela Padilla patungkol sa mga “Disney princess” o “nepo babies” na kamakailang naging mainit sa mata ng publiko.
Sa video na inupload ni Bela kamakailan sa kaniyang TikTok account, nagbiro ang aktres na kailangan niya umanong galingan sa kaniyang pag-arte dahil sa pinapaaral na mga “Disney princess.”
“POV: kelangan mong galingan umiyak at masaktan kasi may mga pinapaaral kang mga Disney princess,” ayon sa nakapaskil sa video na ibinahagi ni Bela.
Nilinaw naman ng aktres sa caption ng kaniyang video na biro lamang ang kaniyang ibinahagi sa publiko.
“You were focusing your energy on the M and machine after when it was clearly a joke. [H]irap ipaglabaaaan,” saad ni Bela.
Samantala, natuwa naman ang mga fans ng aktres at nagbiro rin sila na handa nilang suportahan si Bela alang-alang sa mga Disney princess na pinatutungkulan ng lahat.
Narito ang mga komentong iniwan ng netizens:
“[P]ati Pala mga artista kala ko nga dati mayayaman Sila e but they're still people to work fair.”
“Claudine Co: kung kaya mag OT mag OT ha.”
“YEHEY! WE SUPPORT SELF MADE QUEENS!”
“Galingan pa po natin para sa dinner nya na 700k plus.”
“SEE THIS IS BELA PADILLA AND THIS IS HOW SHE USES HER PLATFORM!! SAN NA MGA INFLUENCERS WANNA BE?”
“Tahan na, aambag din kaming mga OFWs.”
“Kulang pa po ang ambag natin para sa mga scholar!”
“Yung kakakausap mo lang sa Customs Commissioner dahil sa overcharged sa import taxes tapos unlimited ATM machine pala yung director nila.”
“AKO NAMAN NEXT PAARALIN MO ATE BELA PLEASE.”
Samantala, wala namang partikular na pangalan na nabanggit ang aktres kung sino ang tinutukoy niyang “Disney princess” sa kaniyang post.
Tumutungkol ang salitang “Disney princess” sa mga piksyunal na karakter mula sa Disney Films halimbawa nina Snow White, Cinderella, Aurora, Ariel, Belle, Jasmine, Pocahontas, Mulan, Tiana, Rapunzel, Merida, Moana, and Raya.
Mga prinsensang nagpakita ng kabaitan, kagandahan, at katapangang tinatangkilik ng marami sa yugto ng kanilang kabataan.
Ngunit sa paglipas ng panahon, nag-iba ang intensyon ng salitang “Disney princess.”
Madalas, ginagamit ito ng mga tao upang tukuyin ang mga indibidwal na kabaliktaran sa kahulugan ng naturang salita.
Halimbawa, mga taong nagpapanggap na prinsesa sa uri ng kanilang pamumuhay, paggasta ng salapi, at pagpipilit makapaloob sa panggitnang-uring pantasya ng nakararami.
Nitong Agosto, matatandaang naging talamak kamakailan ang salitang “nepo babies” (na hango sa salitang “nepotismo”) sa social media.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ang terminolohiyang 'nepotismo' at pag-usbong ng 'nepo babies'
Ayon sa Merriam Webster, ang nepotismo ay maituturing daw na “favoritism.” Pagpabor na mabigyan ng trabaho ang isang tao dahil sa pagiging magkamag-anak.
Sa ibang salin naman ng Britannica sa pakahulugan ng nepotismo, it naman ay nagpapatungkol sa isa raw “unfair practices,” na nagbibigay ng trabaho sa mga kamag-anak, kadugo man o batay sa kasal.
Pinatutungkulan ng mga umusong salitang ito ang mga anak ng mga politiko na binabatikos ngayon ng maraming Pilipino dahil sa pangangalandakan nila ng kanilang yaman sa publiko.
Higit na pinuntirya ng mga tao ang nepo babies na may kaugnayan ang kanilang magulang sa maanomalyang flood-control projects na iniimbestigahan ngayon ng Senate Blue Ribbon Comittee.
KAUGNAY NA BALITA: FB post ni Carl Balita tungkol sa 'nepo babies,' pinutakti ng netizens
KAUGNAY NA BALITA: Pokwang, tinrangkaso kakatrabaho para sa nepo babies
KAUGNAY NA BALITA: Sa lahat ng 'nepo babies:' Kris, pinuring stand out sa pagbabayad ng buwis
Mc Vincent Mirabuna/Balita