December 13, 2025

Home BALITA

Ilang personalidad na may kaugnayan sa flood control projects, nasa Amerika na—Marcoleta

Ilang personalidad na may kaugnayan sa flood control projects, nasa Amerika na—Marcoleta
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Inihayag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta na may ilang personalidad na raw ang kasalukuyan ng nasa laban ng bansa, na pawang may mga kaugnayan sa anomalya ng flood control project.

Sa panayam ng Unang Balita, programa ng Unang Hirit sa GMA Network, kay Marcoleta nitong Miyerkules, Setyembre 3, 2025, iginiiit niyang may mga nakausap daw siyang personalidad na kasalukuyan ng nasa Amerika.

“Doon kasi sa mga pagtakas, hindi ko naman sinasabing tumakas na pero yung mga nagsasabi sa akin, patawarin ko na sila, ay nasa Amerika na talaga yung iba,” ani Marcoleta.

Paglilinaw pa ni Marcoleta, wala raw kasing kakayahan ang Senate Blue Ribbon Committee na maglabas ng hold departure order.

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

“Ang Blue Ribbon naman kasi wala naman kaming power mag-issue ng hold departure order, korte lang,” anang senador.

Dagdag pa niya, “So kinakailangan naming sundin ang mga proseso. Lookout order lang ang puwede naming i-request. So gagampanan namin 'yung task na 'yan under the circumstances.”

Patuloy ang imbestigasyon ng Senado sa umano’y nangyaring anomalya sa isyu ng flood control project sa bansa.

Saad pa ni Marcoleta, may lumapit na raw sa kanila na nakahandang magsiwalat ng mga pangalan ng mga opisyal na sangkot sa anomalya ng naturang proyekto, ngunit nag-aalinlangan daw dahil sa banta sa kaniyang buhay.

“Mayroon nang lumalapit na gustong gawin. Medyo nag-aalangan nga lang sapagkat merong threat sa buhay nila…Actually may nag-note na ganun. Sabi niya gusto ko sanang itama lahat ng ito. Nangangamba lang ako sa buhay naming mag-anak,” ani Marcoleta.