Pinaaalalahanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang “scammer” na ginagamit umano ang pangalan ng kalihim ng ahensya na si Sec. Rex Gatchalian.
Ibinahagi ng DSWD sa kanilang Facebook page nitong Miyerkules, Setyembre 3, ang isang pabatid sa publiko, na mag-ingat upang hindi rin mabiktima ng mga manloloko.
“Mag-ingat sa isang scammer na nagpapanggap bilang si DSWD Secretary Rex Gatchalian. Ang scammer na ito ay gumagamit ng pangalang Rex Santos Flores,” ani DSWD.
“Naka-scam na siya ng isang biktima sa pamamagitan ng Facebook at cash transaction na nagresulta sa pagkawala ng halagang ₱11,000.00,” dagdag pa nila.
Inilahad pa ng ahensya ang isang paalala na kailanma’y hindi nanghihingi ng pera ang DSWD kapalit ng anumang assistance o tulong.
Nagpaalala rin sila na kung sakaling makatanggap ng kahina-hinalang mensahe, mangyari lamang daw na i-report ito sa kanilang hotline numbers: Globe: 0917-110-5686 / 0917-827-2543; Smart/Sun - 0919-911-6200.
Maaari din daw na magpadala ng mensahe sa opisyal na Facebook page ng DSWD (@dswdserves) para sa kumpirmasyon ng impormasyon kung ito ba ay totoo o hindi.
Vincent Gutierrez/BALITA