December 20, 2025

Home BALITA

DOTr Sec. Lopez, prayoridad ang interes, kapakanan ng mga pasahero

<b>DOTr Sec. Lopez, prayoridad ang interes, kapakanan ng mga pasahero</b>
Photo courtesy: DOTr (FB)


Tulad ng naging adhikain ng dating kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Vince Dizon, tiniyak ng bagong Transportation Secretary na si Giovanni Lopez na magpapatuloy sa ilalim ng kaniyang pamumuno ang mga nasimulan ni Dizon, na palaging tutukan ang interes at kapakanan ng mga pasahero.

Sa ginanap na turnover ceremony ng liderato ng ahensya nitong Miyerkules, Setyembre 3, binanggit ni Lopez na hindi umano titigil sa kaniyang paninilbihan bilang bagong DOTr chief ang mga prayoridad ng ahensya, kasabay ang ibinabang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isentro sa mga pasahero ang pokus ng sistema.

“Sa pag-iikot namin ni Sec. Vince, nakita namin ang hirap ng mga komyuter kaya dapat nating unahin ang kanilang interes at kapakanan,” ani Lopez.

Kung nais talaga natin solusyunan at tugunan ang mga problema ng mga komyuter, kailangan natin lumabas dahil nasa kalsada ang trabaho,” dagdag pa niya.

Pinagdiinan din niya ang kahalagahan ng “accountability” upang masiguro ang ligtas na kalsada sa lahat ng mga bumibiyahe.

“Kailangan mapanagot natin ang mga barumbadong motorista at mga tsuper sa daan. Hindi natin ititigil ito,” anang bagong transport chief.

Pasasalamat din ang handog niya para sa dating kahilim ng DOTr na si Vince Dizon, sapagkat malaki ang naging ambag nito upang mawasto at maisaayos ang sistema ng ahensya, pati na rin ang pagpapasinaya ng mga proyektong kapaki-pakinabang sa mga motorista at biyahero.

Buo naman umano ang tiwala ni Vince Dizon, na ngayon ay ang bagong kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kay Sec. Lopez, na kaya nitong ayusin ang sistema ng transportasyon sa bansa.

“When the President asked me for a name, I only gave one: I only gave Acting Secretary Giovanni Lopez,” ani Dizon.

Matatandaang kamakailan lamang ay nanumpa si Sec. Dizon at Sec. Lopez sa mga bago nilang posisyon sa DPWH at DOTr, sa pangunguna ni PBBM.

MAKI-BALITA: PBBM, pinanumpa na sina Dizon, Lopez sa mga bagong posisyon-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA