Nanawagan si House Deputy Speaker Jefferson Khonghun na isailalim sa lifestyle check si Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) Executive Director Atty. Herbert Matienzo dahil sa umano’y “registration for sale.”
“Ire-request natin na i-lifestyle check si attorney dahil ang balita rito, ito ‘yung pasimuno na nagbebenta ng mga registration sa PCAB,” pahayag ni Khonghun sa pagdinig ng House Infrastructure Committee noong Martes, Setyembre 2, 2025.
“Papaimbestigahan ka namin, attorney ha? Kasi ang info sa amin, nakatira ka sa Ayala, Alabang at ang dami mong sasakyan,” dagdag pa niya.
Mariing itinanggi ni Matienzo na siya ay nakatira sa Alabang, at iginiit na sa Cupang, Muntinlupa siya naninirahan.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng PCAB ang ulat na si negosyante at kontraktor na si Cezarah Discaya ang tunay na may-ari ng siyam na construction companies. Kinumpirma ni Discaya sa pagdinig ng Senado nitong Lunes na ang kanyang mga kompanya ay nagtutunggali pa para sa iisang kontrata.
KAUGNAY NA BALITA: 9 na umano'y construction firm ng mga Discaya, isiniwalat ni Hontiveros
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagsusuri sa pamumuhay ng mga opisyal ng gobyerno sa gitna ng gumugulong na imbestigasyon kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
KAUGNAY NA BALITA: Sa gitna ng imbestigasyon sa flood control: PBBM, pinag-utos lifestyle check sa mga opisyal