Hiniling ng senador na si Sen. Robin Padilla na magpahinga muna sandali ang Senado sa mga usapin sa “ghost projects” at iba pa sa plenary session na kanilang isinagawa ngayong Miyerkules, Setyembre 3.
“Dumudulog ako sa inyo na mag-break muna tayo sandali sa mga issue ng flood-control, ghost projects, sa mga sugarol [at] sa mga espiya,” panimula ng senador sa kaniyang privilege speech.
Ayon kay Sen. Padilla, pumunta siya sa pagdinig ng Senado upang idulog ang panukalang magsusulong ng tahanan para sa senior citizens.
“Nais kong ilapit po sa inyo ang isang panukala na higit sa pulitika[...]
“Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) as of May 2020, mayroon na pong 12.3 milyong Pilipino ang may edad 60 pataas. Katumbas po ito ng 11.31 percent ng ating populasyon. Sila po ang tinatawag nating dual citizens [o] senior citizens.
“Ayon sa Commission on Population and Development, aakyat pa ito ng 14 percent pagsapit ng 2030 hanggang 2035.
“Sa loob ng isang dekada, halos isa sa bawat pito ng ating mga kababayan ay senior citizens na po. Ngunit napakabigat po ng kanilang sitwasyon.
“Sa usapin ng kabuhayan[...] sa 9.2 milyong citizens sa bansa, 46 percent po ay kumakayod pa rin upang matustusan ang pangangailangan sa pang-araw-araw at kalusugan[…]
“[...]Kaya’t inihahain po namin ang Senate Bill No. 20. An act establishing at least one nursing home per city or province for senior citizens,” paghahain ni Sen. Padilla.
Ayon sa kaniya, layunin umano ng Senate Bill Blg. 20 na magtayo ng nursing home sa bawat lungsod o probinsya sa loob ng bansa upang magkaroon ng tiyak na tirahan, pagkain, at pag-aaruga ang mga senior citizens.
“Layunin nitong magtayo ng nursing home sa bawat lungsod at probinsya upang matiyak na ang ating mga senior citizens ay may tirahan, pagkain, at personal na pangangalaga.
“Serbisyong medikal at pangkalusugan, recreation at social activities upang hindi sila malumbay at mapag-isa, counseling at suporta sa iba’t ibang mga pangangailangan,” anang senador.
Sa pagpapatuloy ni Sen. Padilla, ibinahagi niyang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at local government units ang mangangasiwa kapag naisabatas ang panukala niyang senate bill.
“Pangangasiwaan po ito ng DSWD at Local Government units at popondohan ng sa General Appropriations Act,” aniya.
Para kay Sen. Padilla, hangarin ng nursing homes para sa mga senior citizens na magkaroon sila ng komprehensibong kalinga at pasilidad na matutuluyan sa panahon na sila ay tumanda.
“Hangarin po ng panukalang ito na ang ating mga senior citizens ay mabigyan ng komprehensibong kalinga sa loob ng isang pasilidad na mararamdaman po nila na sila ay nabibigyang-pansin, naaruga at pinuprotektahan,” ani ni Padilla.
Sisiguraduhin daw umano ng batas na ito, ayon kay Sen. Padilla, na ang bawat matatanda ay mabubuhay nang komportable, makakakain ng masustansyang pagkain, at makakainom ng kanilang gamot sa tamang oras.
Mc Vincent Mirabuna/Balita