Marami pa rin sa mga mag-aaral sa Grade 3 ang nahihirapan sa basic Mathematics gaya na lamang ng division o paghahati-hati, batay sa naganap na pagdinig sa Kamara, na dinaluhan ng Second Congressional Commission (EDCOM II) noong Martes, Setyembre 2.
Ang datos na inilatag ay batay sa assessment na isinagawa ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay EDCOM 2 Executive Director Dr. Karol Mark Yee, makikita sa mga datos na hindi natatamo ng mga mag-aaral ang mga basic numeracy skills, sa panahon pa naman ng mga kritikal na taon ng pagkatuto.
Lumalabas na 24% ng Grade 3 pupils sa buong bansa ang nagpamalas ng proficiency sa pagsasagawa ng division, na pinakamababa sa lahat ng areas na inassess.
Pagdating naman sa Geometry, nasa 30% hanggang 50% lamang daw ang proficient, na nakabatay naman sa rehiyon. Mas mataas naman ang proficiency ng mga mag-aaral pagdating sa fractions, mass, at patterns na aabot sa 70% sa ilang mga rehiyon.
Ngunit ang nakababahala raw ay ang mababang performance ng mga mag-aaral pagdating sa basic numerical skills gaya ng multiplication at division.
Nagmula raw sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nakakuha ng pinakamababang resulta pagdating sa pagiging proficient sa pagdi-divide. Nakakuha sila ng 24% habang 30% naman sa Geometry.
Subalit sa kabilang banda naman, mas mataas ang naging rank ng National Capital Region (NCR) kumpara sa iba.
Saklaw ng pagsusuri ang higit 185,000 mag-aaral sa ikatlong baitang mula sa NCR, at halos 1.3 milyong mag-aaral sa buong bansa. Dahil dito, itinuring itong isa sa pinakamalawak na pag-aaral hinggil sa kakayahan sa Matematika ng mga batang nasa mababang baitang.
Ayon pa kay Dr. Yee, posibleng magkapatong-patong ang mga problema ng isang elementary pupil sa pagbibilang at pagbabasa kapag siya ay tumuntong na sa high school.
Sa kaugnay na isyung tinalakay sa nabanggit na pagdinig, ayon naman sa datos mula sa Comprehensive Rapid Literacy Assessment (CRLA) para sa academic year 2025-2025, lumabas na 33.42% ng mga mag-aaral, o isa sa bawat tatlo, ay kabilang sa tinatawag na “low emerging readers.”
Ang assessment ay isinagawa sa mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 3 noong Hunyo hanggang Hulyo 2025. Tatlo sa sampung salita raw ang nabasa ng mga sumalang sa reading assessment kaya sila isinailalim sa tinatawag na low emerging readers.
30.87% ay tinatawag na“transitioning readers,” o hindi pa ganap na bihasa ngunit nagpapakita ng potensyal na makaabot sa tamang antas para sa kanilang baitang. 12.39% naman ay kabilang sa mga “developing readers" at tanging 14.47% lamang ang nakakabasa ayon sa hinihinging antas para sa kanilang baitang.
Ang pagbasa ay isa sa mga makrong kasanayang dapat malinang sa mga mag-aaral upang lubos na makuha ang pagkatuto ng iba't ibang kaalaman at iba pang kasanayan.