Nanawagan si Sen. Imee Marcos ng mas mahigpit na aksyon laban sa mga opisyal at indibidwal na umano’y sangkot sa anomalya sa mga flood control projects ng pamahalaan.
Sa kaniyang Facebook post, Martes ng umaga, Setyembre 2, iginiit ng senadora na hindi sapat ang lifestyle check para masawata o mapigilan ang katiwalian.
Aniya, dapat ay agad nang sampahan ng mga kaso ang mga tiwaling opisyal o "rehas check" na.
"Awat na sa lifestyle check, rehas check na tayo! Ang daming puwedeng ikaso -- graft and corrupt practices, plunder, money laundering, tax evasion -- lahat na ng puwede! ‘Wag lang tayo sa social media mag-ingay! Tuluyan na ‘yang mga ‘yan!" apela ng senadora.
Sa kaniyang artikulo naman sa isang pahayagan, binatikos din niya ang umano’y shopping spree at marangyang pamumuhay ng ilang politiko at kanilang pamilya gamit ang pera ng taumbayan.
Giit niya, ang pagtuon lamang sa social media exposes at outfit of the day o OOTD ay nagbibigay lamang ng pagkakataon sa mga tiwaling opisyal para makipag-areglo.Aniya pa, nakabulaga na raw ang mga ebidensya sa lahat kaya ano pa raw ba ang hinihintay ng mga nararapat na awtoridad.
Nagbiro pa si Marcos na baka kailangan nang maglaan ng pondo para sa bagong kulungan o kaya’y bagong “crocodile farm” dahil sa dami ng tiwaling sangkot.
Binaha naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Pag mayaman... lifestyle check muna... pag mahirap...kulong agad... Pag mayamam... daming proseso, investigation, hangang sa nakakaalis na ng bansa ung iniimbistigahan... Pero pag mahirap, iniimbistigahan pa lang, nsa kulungan na... tsk..."
"Dapat ikulong at bawiin ang mga ninakaw pera yn ng taong bayan.ang laki ng tax n binabawas ng gobyerno s sweldo.tapos sila makkinabang"
"Puro lang na naman yan imbestigasyon tapos matutunaw na lang ang issue wala na ang billion billion flood control ang kawawa mga mamamayang Pilipino dapat sa mga yan maparusan ng sobra para dina pamarisan!"
"Dapat yun mga asset nila sequester kasi ill gotten yun at pera ng bayan. Eh sa pang araw araw lang nila na gastos bilyon na siguro. Yun anak may post kumain sa resto ang bill 700k. Dami nagugutom tapos isang kain lang nya 700k...amp#%!"
"Very obvious namn ginawa nila, dapat deretso kulong na. Kunin lahat ng ari ari-an at gamitin na sa mga project na hnd nila ginawa ng tama."
"Manang Senator Imee, tama, kasuhan at ipabalik ang mga perang ninakaw sa gobyerno. At baka pwede, mag tax holiday muna kaming mga mamamayan."
"tama wag ng pahabain pa sampahan ng kaso para mahatulan na eh iba pa naman batas dito pag mapera dami prosseso pag mahirap kulong agad isang pirasong de lata ninakaw.
Kamakailan ay naging laman ng usapan sa social media ang umano’y mga anomalya sa flood control projects na nagkakahalaga ng bilyong-bilyong piso.
Noong Lunes, Setyembre 1, ay nagkaroon ng ikalawang pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee, sa pangunguna ng chairman nito na baguhang senador na si Sen. Rodante Marcoleta, kaugnay sa maanomalyang flood control projects. Dito ay inimbitahan ang mga contractor na katuwang ng Department of Public Works and Highways (DPWH)
Isa nga sa mga kontrobersiyal na nagisa sa nabanggit na hearing ang contractor at dating Pasig City mayoral candidate na si Sarah Discaya.
Sa pag-uusisa sa kaniya, 2012 pa nakapasok ang kaniyang mga kompanya sa proyekto ng DPWH, subalit noong 2016 onwards daw nagsimula ang kanilang flood control projects.
KAUGNAY NA BALITA: Discaya kay Sen. Bato kung kailan nagsimula sa flood control projects: '2016 onwards!'
Nakuwestyon din sa nabanggit na pagdinig ang nasa 28 luxury cars na kaniya umanong nabili.
Nitong Martes, Setyembre 2, sa bisa ng search warrant ay nagtungo ang Bureau of Customs (BOC) sa St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp. ng mga Discaya sa Pasig City upang siyasatin ang mga nabanggit na mamahaling sasakyan.
Sa isang panayam ng True FM ni Ted Failon at DJ Chacha kay BOC Chief of Staff Atty. Jek Casipit, sinabi niyang dalawa lang sa 12 luxury cars na sakop ng search warrant ng BOC ang nakita sa loob ng bahay ng pamilya Discaya.
“May nakita kaming dalawang units right now. ‘Yong Land Cruiser at Maserati Levante ‘Yong iba, hindi namin nahanap. Wala po kaming makita rito," ani Casipit.
Ang 12 luxury cars na hinahanap nila ay wala raw record sa ahensya kung kaya ito ay iniimbestigahan.
KAUGNAY NA BALITA: BOC, pinasok construction firm ng mga Discaya para maghain ng search warrant vs luxury cars
KAUGNAY NA BALITA: Naglaho ibang luxury cars? BOC, 2 luxury cars lang ng mga Discaya ang nakita
Samantala, nanawagan ang publiko ng transparency at pananagutan mula sa mga kinauukulan.