December 15, 2025

Home BALITA National

Sey ni Recto: ₱118.5B nawala sa gobyerno dahil sa ghost flood control projects!

Sey ni Recto: ₱118.5B nawala sa gobyerno dahil sa ghost flood control projects!
Photo courtesy: Department of Finance (FB)/via MB

Tinatayang aabot sa ₱118.5 bilyon ang nawalang pondo sa kaban ng bayan ng pamahalaan mula 2023 hanggang 2025 dahil umano sa mga pekeng flood control projects, ayon kay Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto.

Sa pagtalakay ng Senado kaugnay ng panukalang ₱ 6.793 trilyong pambansang budget para sa 2026, iginiit ni Recto na kung nailaan nang maayos ang naturang halaga, sana’y nakalikha ito ng humigit-kumulang 95,000 hanggang 266,000 trabaho para sa mga Pilipino.

Binigyang-diin ng kalihim na kaya’t mariing tinututukan ng administrasyon ang bawat bahagi ng budget upang matiyak na ang pondong ilalaan para sa susunod na taon ay may malinaw na epekto sa ekonomiya at sa mamamayan.

“Dahil sa mga ghost projects nawalan po ang ating ekonomiya ng ₱42.3 billion hanggang ₱118.5 billion mula 2023 hanggang 2025," pahayag ni Recto.

National

‘Impeachment process, 'di sapat para mapanagot si VP Sara!’—Ex-DOF Usec. Cielo Magno

"Katumbas po nito ang 95,000 hanggang 266,000 na trabaho na sana’y napakinabangan ng ating mga kababayan. That is why we fully support the President’s directive to closely scrutinize the national budget. We prepared the National Expenditure Program (NEP) with the President to ensure that the projects to be funded in 2026 have the highest multiplier effect," aniya pa.

Ipinaliwanag pa ni Recto na dalawang prinsipyo ang laging sinusunod ng Department of Finance: una, ang masusing pagtukoy ng revenue targets upang hindi lumampas ang gastusin sa koleksiyon; at ikalawa, ang responsableng paggamit ng buwis ng taumbayan.

“In the DOF, we always champion two crucial principles. Una ikalkula nang maigi mabuti ang revenue target kasi ang expenditures ay hindi naman open bar ‘yan sa isang restaurant tapos ang bill ibibigay sa tax collecting agencies,” paliwanag niya.

Aniya pa, tulad ng paghingi ng resibo sa biniling produkto, karapatan din ng publiko na makita ang konkretong ebidensiya ng mga proyektong pinondohan ng kanilang buwis. Dagdag niya, ang pinakamabisang paraan upang hikayatin ang mga tao na tumalima sa pagbabayad ng buwis ay ang makita nilang maayos, tama, at tapat ang paggamit nito.

"Walang ghost project dapat, walang korapsyon, walang sayang na piso,” pagdidiin ng kalihim.

Mainit ang usapin ngayon sa akto ng korupsyon, lalo na pagdating sa bilyong pondo sa flood-control projects, sa alegasyong nagsasangkot sa ilang mga contractor na kinuha ang serbisyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nauna na itong kinumpirma ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, sa unang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Agosto. 

Ayon kay Bonoan, umabot umano sa ₱5.9 bilyon ang halaga ng kontratang ibinigay sa Wawao. 

KAUGNAY NA BALITA:  DPWH Sec. Bonoan, inaming 'ghost projects' ilan sa flood-control projects ng Wawao Builders!

Sa ikalawang pagdinig nitong Lunes, Setyembre 1, kinumpirma ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. for Planning Services Maria Catalina Cabral ang naunang pahayag ni Bonoan tungkol sa ghost projects ng ahensya.

 Inusisa ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada si Cabral kung totoo nga ba talagang may ghost projects.

“You believe, you support, the statement of the former Secretary [Bonoan] that, indeed, there are ghost projects?” tanong ni Estrada.

Sagot ni Cabral, “Yes po, Your Honor.”

Samantala, hindi pa matukoy ni Cabral kung sino-sino ang mga kontraktor na sangkot sa ghost projects.

“Hindi ko pa po alam dahil may nag-o-audit po . Baka po ‘yong director namin ng internal audit ang makakapagsabi po kung ano po ang resulta ng audit. Because the internal audit ng department ay directly under kay Secretary [Bonoan],” paliwanag niya.

Marami kasi sa mga proyekto ng DPWH ay napag-alamang "ghost" projects lamang.

KAUGNAY NA BALITA: Opisyal ng DPWH, umamin sa ghost projects ng ahensya