May biro si Sen. Imee Marcos para kay Deputy Officer-in-Charge (OIC) Ombudsman Dante Vargas kaugnay sa isyu ng umano'y pag-pressure sa kaniya at panunuhol para sa pagbasura ng isang kontrobersyal na kasong isinampa ng senadora.
Banat ni Sen. Imee, ipinapayo niya kay Vargas na isabuhay na lamang niya ang awitin ng OPM icon na si "April Boy Regino" kung sakaling nakakatanggap pa siya ng pressure tungkol dito.
Ito ay ang "Di Ko Kayang Tanggapin."
"Ang mensahe ko naman kay bagong Deputy OIC Ombudsman [Dante] Vargas ay simple lamang. Kung nayayanig ka na sa pressure, isabuhay mo na lang ang sikat na kanta ni April Boy Regino," anang senadora.
"Kapag nariyan na ang suhol, itaas mo ang iyong dalawang kamay ng ganito at sabihin 'Hindi ko kayang tanggapin!' Wala lang, naloloka na 'ko," natatawang sabi ng senadora.
Si April Boy Regino, na ang tunay na pangalan ay Dennis Magloyuan Regino, ay isang sikat na Pilipinong mang-aawit, manunulat ng kanta, aktor, at komedyante, pumanaw noong Nobyembre 29, 2020.
Inihayag kamakailan ni Sen. Imee na may nakapagsabi raw sa kaniyang may nanunuhol na umano kay Vargas para sa pagbasura ng isang kontrobersyal na kaso.
Sa kaniyang press release noong Linggo, Agosto 31, 2025, iginiit niyang pine-pressure na raw si Vargas ng ilang makapangyarihang tao upang maibasura ang isang kasong nakabinbin sa tanggapan ng Ombudsman.
“May mga nagsabi sa’kin na si OIC Ombudsman Dante Vargas ay pine-pressure ngayon. Kasama dito ang malalaking halaga ng suhol, sinusubukan ang kaniyang karangalan—mula sa ilang makapangyarihang tao para lang ibasura ang isang kontrobersyal na kaso na aking inihain,” ani Marcos.
Saad pa niya, ito raw ang magbibigay-daan upang ma-appoint ang isa sa mga naturang nanunuhol.
“Kapag nangyari ‘yon, magbubukas daw ng daan para ma-appoint ang isa sa kanila,” anang senadora.
Bunsod nito, nanawagan ang senadora kay Vargas na manindigan daw sa sinumpaan nitong tungkulin.
“Kaya nananawagan ako kay OIC Ombudsman, please, huwag kang magpasakop, dinggin mo ang iyong konsensya. Panindigan mo ang sinumpaan mong tungkulin,” saad ni Marcos.
KAUGNAY NA BALITA: Sinusuhulang ibasura inihaing kaso? Apela ni Sen. Imee sa OIC ng Ombudsman, ‘Wag magpasakop, dinggin ang konsensya!’
Matatandaang noong Mayo 2025 nang tuluyang magsampa ng reklamo sa Ombudsman si Sen. Imee laban sa limang top official government, kabilang si Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na nagsumite rin ng aplikasyon sa pagka-Ombudsman.
Samantala, nagpahayag naman ng pagtutol ang senadora sa posibilidad na ma-appoint sa pagka-Ombudsman si Remulla.
Aniya, ipipilit daw na maging Ombudsman si Remulla upang nang sa gayon ay maipakulong si Vice President Sara Duterte gayundin ang mga kaalyado nito, matapos na ma-archive ang impeachment case laban sa kaniya.
"At hindi lang si Inday Sara, kundi lahat ng mga Duterte, kaalyado ng mga Duterte, baka pati ako," aniya pa.
Sinabi pa ng senadora na noon pa lamang daw ay nakatutok na siya sa mga plano ng kampo ni Remulla, upang "mawala sa landas" si VP Sara sa 2028 Presidential Elections.