December 13, 2025

Home BALITA National

Sen. Imee Marcos, tutol maging Ombudsman si Remulla; ipapakulong lang umano si VP Sara

Sen. Imee Marcos, tutol maging Ombudsman si Remulla; ipapakulong lang umano si VP Sara
Photo courtesy: Senate of the Philippines (YT), Boying Remulla (FB)

Mariing tinutulan ng senador at nakatatandang kapatid ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na si Sen. Imee Marcos ang pagkakasama ng pangalan ni Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin "Boying" Remulla sa mga aplikante sa pagka-Ombudsman. 

Sa isang press conference ngayong Martes, Setyembre 2 ibinahagi ni Sen. Imee ang mga dahilan sa pagtutol niya sa potensyal na pagiging Ombudsman ni Remulla. 

Ayon sa senador, intensyon lamang ng kampo nila Remulla na mapakulong si Vice President Sara “Inday” Duterte bago ang 2027.

“Ipipilit nila na si Boying ang maging ombudsman para mapakulong si VP Inday Sara bago mag-2027,” ani ni Sen. Imee. 

National

'Admin, Duterte group, liberal groups dapat magkaisa para sugpuin korapsyon!'—Ex-PNR Chair Macapagal

Sa pagpapatuloy niya, maaaring hindi lamang umano si VP Sara ang lalayuning maipakulong kundi pati na rin ang mga kaalyado ng mga Duterte at maging siya mismo. 

“At hindi lang si Inday Sara. kundi lahat ng mga Duterte, kaalyado ng mga Duterte, baka pati ako,” aniya. 

Ayon pa kay Sen. Imee, ganitong bagay ang binabalak ng kabilang kampo sa kalagitnaan ng nararanasan ng mga Pilipino na malubog sa baha ng “korapsyon.” 

“‘Yan ay sa gitna ng paghihirap ng mga Pilipinong binabaha ng tubig ng korapsyon at ng kawalang aksyon,” saad ni Sen. Imee.  

Paglilinaw pa ng senador, noon pa lamang ay tinututukan na niya ang mga plano umano ni Remulla kontra sa mga layunin nitong pabagsakin ang mga Duterte. 

“Tinutukan ko ang plan A nila na ‘People’s Initiative Chacha.’ Binuking ko ang plan B, ‘yang impeachment, para mawala sa landas nila si VP Sara sa 2028,’ anang senador. 

Dagdag pa niya, “[n]gayon, nasa plan C na po tayo. Sa Ombudsman naman na noon pa ay nakita ko na kaya nagsampa ako ng kaso. Noong May 2, nandoon ako sa Ombudsman.”

Nagbigay naman ng babala ang senador sa kampo nila Remulla na handa umano siyang makipag-asaran sa kanila at hindi niya tatantanan itong sina Remulla.

“Kung hindi kayo titigil sa pamumulitika, mag-asaran tayo. Hindi ko rin kayo tatantanan!” mula kay Sen. Imee. 

Inihambing ni Sen. Imee ang kampo nila Remulla bilang “kabayo na katapalodo” dahil sa mga maiitim na plano umano ng mga ito na nakikita ng senador. 

“Para kayong mga kabayo na katapalodo sa 2028. 202[5] pa lang ngayon. Napapabayaan ninyo ang bayan sa kakaisip ng ambisyon ng paraan kung paano ninyo buburahin ang mga nakaharang sa mga maiitim ninyong plano,” aniya. 

Kaugnay ito sa pagsusumite ni Sec. Remulla para maging Ombudsman at ng 16 na iba pa sa Judicial and Bar Council (JBC) noong Lunes, Setyembre 1. 

Kung saan ininterview ng JBC ang mga pangalang kasama bilang kandidato sa susunod na magiging Ombudsman sa Supreme Court Session Hall kahapon. 

Matatandaang nagretiro na noong Hulyo 27, 2025 si dating Ombudsman Samuel R. Martires. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita