Prayoridad ng Quezon City ang implementasyon ng kanilang Drainage Master Plan (DMP) matapos ang malalaking pagbaha sa iba’t ibang kalsada matapos ang walang tigil na pag-ulan kamakailan.
Ayon sa panayam ng DZXL News kay Quezon City Disaster Risk Reduction Office (QCDRRMO) spokesperson Peachy de Leon noong Lunes, Setyembre 1, nakalagpas na sa planning stage ang proyekto, at kasalukuyan na itong nasa infra stage.
Ipinahayag din niya na ang DMP ay gagawin sa Barangay Tandang Sora at Barangay Sta. Monica bilang parte ng pangmatagalang proyekto ni Mayor Joy Belmonte para sa lungsod.
Binanggit din niya na ang DMP ay may detention basin at retention pod na parehas sasalo ng tubig-ulan para maiwasan ang pagbabaha.
Ang pagkakaiba ay habang ang detention basin ay pansamantalang nangongolekta ng tubig kung saan dahan-dahan itong pinapakawalan sa ilog o creek, ang retention pod naman ay isang man-made pond na pangmatagalang nag-iipon ng tubig bilang storage.
Bukod sa DMP, mayroon pang ilang proyektong ilulunsan tulad ng waste-trap nets na ilalagay sa mga ilog at kanal para saluhin ang mga basura bago makapasok at bumara sa mga drainage system, ang special roads and walkways na magbibigay kapasidad sa lupa na agarang sipsipin ang tubig-ulan para maiwasan ang pag-ipon nito sa mga daanan na magdudulot ng pagbaha.
Sean Antonio/BALITA