Matapos pasukin ang St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp. ng mga Discaya sa Pasig City nitong Martes ng umaga, Setyembre 2, dalawang luxury cars lang ang nakita ng Bureau of Customs (BOC).
Sa isang panayam ng True FM ni Ted Failon at DJ Chacha kay BOC Chief of Staff Atty. Jek Casipit, sinabi nitong dalawa lang sa 12 luxury cars na sakop ng search warrant ng BOC ang nakita sa loob ng bahay ng pamilya Discaya.
“May nakita kaming dalawang units right now. ‘Yong Land Cruiser at Maserati Levante ‘Yong iba, hindi namin nahanap. Wala po kaming makita rito," ani Casipit.
Ang 12 luxury cars na hinahanap nila ay wala raw record sa ahensya kung kaya ito ay iniimbestigahan.
“Ang mga sasakyan po na tinitingnan namin is isang Cadillac Escalade, isang Toyota Tundra, isa pong Toyota Sequoia, isa pong Rolls-Royce Cullinan, isa pong Mercedes-AMG G63, isang Mercedes-Benz G500, isa pong Toyota Tundra Pickup, isa pong LC300 3.3 V6, Lincoln Navigator 2021, Lincoln Navigator 2024, Maserati Levante Modena, and isa pong Bentley Bentayga,” ani Casipit.
"Base po sa records ng Bureau of Customs ito po 'yong wala po kaming nakuhang verification ng import entry," dagdag pa niya. "So, meron po kaming probable cause na baka hindi nabayaran nang tama ang mga import duties and taxes."
Tanging representatives lang daw ng mga Discaya ang humarap sa mga awtoridad.
Nauna na ring nabanggit ni Casipit na dalawang beses nilang sinubukang maghain ng search warrant noong Lunes ng gabi, Setyembre 1, ilang oras matapos ang Senate Blue Ribbon Committee hearing na dinaluhan ni Sarah Discaya.
Kaugnay nito, inamin ni Discaya na bumili siya ng isang luxury car na Rolls-Royce Cullinan dahil natuwa siya sa payong na feature nito.
Maki-Balita: Sarah Discaya, aminadong binili ang isang luxury car dahil natuwa siya sa payong