December 14, 2025

Home FEATURES Human-Interest

KILALANIN: Si Bakunawa, ang pinaniniwalaang dahilan ng eclipse

KILALANIN: Si Bakunawa, ang pinaniniwalaang dahilan ng eclipse
Photo courtesy: Pexels, Philippine Cultural Education (website)

Ibinahagi ng Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) na magkakaroon ng total lunar eclipse sa gabi ng Linggo, Setyembre 7 hanggang madaling-araw ng Lunes, Setyembre 8. 

Ang nasabing eclipse ay makikita sa Maynila at ibang parte ng Pilipinas sa loob ng 1 oras, 22 minuto, at 54 na segundo, at ito rin ay makikita sa ilan pang mga lugar sa East Africa, Asya, at Australia. 

Inabisuhan din ng DOST-PAGASA na maaaring gumamit ng binokular para mas malinaw na makita ang buwan, at hindi katulad ng solar eclipse, ang lunar eclipse ay ligtas para sa mata at hindi na kinakailangan ng protective eyewear sa pagtingin sa kalangitan. 

Ayon sa National Aeronautics and Space Administration (NASA), ang solar eclipse ay nangyayari kapag ang buwan ay pumapagitna sa araw at mundo, o ang planetang Earth, na nagdudulot para ang anino mula sa liwanag ng araw ay tumama dito. 

Human-Interest

Ambagan nauwi sa Jombagan: Lalaki, binugbog dahil hindi nag-ambag sa Christmas party?

Ang lunar eclipse naman ay nangyayari kapag ang Earth ay pumapagitna sa araw at buwan, kung kaya’t sa gabi, nawawala ang full moon habang tinatakpan ng ito ng anino ng Earth. 

Kung kaya nabanggit na kailangan ng protective eyewear kapag solar eclipse dahil nananatiling malakas ang liwanag ng araw, na maaaring makabulag, habang sa lunar eclipse, ligtas ito para sa mata dahil ang nakikita rito ay ang buwan. 

Sa lunar eclipse na mangyayari sa Setyembre, ito ay tinatawag ding “Blood Moon” kung saan, nagkukulay pula ang buwan dahil sa alikabok, usok, o pagkanipis ng mga ulap, ayon din sa NASA.

Bagama’t ang eclipse ay isang pangyayaring naipapaliwanag ng siyensiya, may mga paniniwala ring nakabalot sa pagpapakita nito sa kalangitan.

Ito ay konektado sa kasaysayan kung saan, ang higanteng ahas na si Bakunawa o Laho, ay may kakayahan na kainin ang buwan, na magdudulot ng kadiliman sa mundo. 

Ano ang kuwento ni Bakunawa o Laho?

Bago dumating ang mga Kastila sa bansa, ang mga sinaunang Pilipino ay naniniwalang ang eclipse ay nagdadala ng sakuna, mga sakit, sa kapaligiran, at kapahamakan sa mga buntis at sa sanggol nito sa sinapupunan. 

Ito’y dahil sa paniniwalang noong gumawa si Bathala ng 7 buwan para bigyang liwanag ang gabi, si Bakunawa o Laho ay kinain ay anim dito, kung kaya’t isa na lamang ang natira. 

Ito’y dahil pinaniniwalaan ding ikinatutuwa ni Bakunawa ang ganda ng buwan kung kaya umahon ito sa dagat para kainin ang mga buwan ng buo, na ikinagalit ni Bathala at naging dahilan para maging magkaaway ang mga ito. 

Para maprotektahan ang natitirang buwan, tuwing may eclipse, ang mga sinaunang Pilipino ay kadalasang lumalabas sa kanilang mga balai o bahay na may dalang mga kaldero at kawali, at sila’y gagawa ng ingay para maitaboy si Bakunawa. 

Sa ilan namang nayon, pinaniniwalaang nagpapatugtog ang mga ito ng malulumanay sa tugtugin para mapatulog ang nilalang. 

Sa kasalukuyan, may iilan pa ring Pilipino ang sumusunod sa mga pamahiin tungkol sa eclipse. 

Pinapakita rito na sa kabila ng patuloy na  pag-usad ng siyensiya at teknolohiya, ang mga ganitong mitolohiya at pamahiin ang ilan sa makulay na paraan para pagtibayin ang kultura at tradisyon ng bansa ilang taon at siglo pa ang magdaan. 

Sean Antonio/BALITA