December 13, 2025

Home FEATURES Trending

KILALANIN: Content creator, gumawa ng tatlong klasrum para sa mga katutubong Lumad

KILALANIN: Content creator, gumawa ng tatlong klasrum para sa mga katutubong Lumad
Photo courtesy: KingLuckss (FB)

Silid-aralan ang isa sa mga pangunahing pangangailangan sa edukasyon upang mabigyan ng isang komprtable at ikalawang tahanan ang mga mag-aaral habang sila ay nag-aaral. 

Ngunit sa kabila ng maraming umuusbong na usapin ngayon sa bansa sa labis-labis na pagwawaldas sa kaban ng bayan para sa mga proyekto ay hindi naman talaga ang mga nasa laylayan ang nakikinabang kundi ang mga ganid na nasa itaas ng tatsulok.

Partikular sa flood-control projects. Nasasayang lamang ang trilyon na mga salaping inilalaan sa proyektong sana ay magsasalba sa mga Pilipino ngunit sa huli, patuloy pa ring nalulubog sa baha. 

Hindi naiiwasang magtanong ng marami na kung inilaan na lamang sana ang nasayang na kaban para sa pagsusulong ng dekalidad na edukasyon, baka mas mataas pa ang tiyansang sumilang ang mga kabataang tunay na magsasalba sa bayan sa hinaharap. 

Trending

KILALANIN: Ang pumanaw na PBA Legend na si Jimmy Mariano

Ano sa tingin mo ang mangyayari kung magkaroon ng komportableng silid-aralan, sapat na mga libro, panulat at sulatan, hindi gutom na sikmura, mataas na sahod para sa mga guro at pagbabawas ng work-load sa kanila, at makamit ng lahat ng mga kabataan ang karapatan nilang makapag-aral? 

Uusad kaya ang bansang Pilipinas para sa mga sadlak na Pilipino at hindi para sa mga sakim? 

Ngunit sa realidad, sa kabila ng kawalang pag-asa ay makakaasa tayong mayroon at mayroon pa ring mga indibidwal na handang tumulong sa pinakamaliliit na bagay na kaya nilang gawin. 

Kilalanin si Lucky Calotes o mas kilala bilang KingLuckss, isang content creator na gumawa ng tatlong silid-aralan para sa mga katutubong Lumad. 

Viral ngayon online ang content video na inupload ni Calotes sa Facebook kung saan gumawa siya ng tatlong silid-aralan para sa mga katutubo at mag-aaral na Lumad. 

Ayon sa video ni Calotes, bago sila makarating sa komunidad ng mga Lumad, kailangan muna nilang dumaan sa gitna ng tubuhan, malubak na kalsada, tatawid sa sapa, at putikan. 

Aniya, hindi naging madali ang naging paglalakbay nila sa misyong iyon at halos tumagal sa tatlong (3) buwan ang paggawa niya at ng kaniyang mga kasamahan ng silid-aralan para sa mga katutubo. 

Mailalarawan ang buhay ng mga bata at iba pang mga katutubo sa pinaggawan nila ng silid-aralan bilang sadlak at tanging pagbubukid lamang ang ikinabubuhay ng marami. 

Saad ng guro sa komunidad ng mga Lumad na si Ma’am Salimar, dumating daw siya doon na kawayan at parang bahay lang umano ng baboy o manok ang silid-aralan ng mga bata. 

“Pagdating ko po dito, ang itsura po ng paaralan na ito ay kawayan lang po at wala pang dingding. Parang bahay lang ng baboy [o] kulungan lang ng manok. 

“Kapag may ulan na, pinapauwi namin ang mga bata kasi pumapasok ‘yong ulan dito sa loob. Mababasa ‘yong mga papel nila [at] mga bag,” pagkukuwento ng guro.

Pagpapatuloy ng guro, masakit umano nang maranasan nila noon na magiba ang nag-iisa at munting paaralan na kanilang sinisilungan tuwing nag-aaral ang mga bata. 

“Dati po kasi, sa sobrang lakas ng ulan at hangin [ay] natumba ‘yong dalawang classrooms namin. Sobrang sakit sa amin na ganoon na lang ‘yong classroom namin, natumba pa,” anang guro. 

Ngunit sa ideya at inisyatibo ng content creator na si Calotes, matatapos na ang matagal na pagtitiis ng mga mag-aaral at guro sa butas-butas at tila umano kulungan ng hayop na silid-aralan. 

Sa loob ng tatlong buwan na pagtutulungan nila Calotes at iba pang mga katutubo, natapos din nila ang silid-aralan para sa mga katutubong mag-aaral. 

Mayroon na ngayong pader na poprotekto sa mga mag-aaral mula sa ulan at malalakas na hangin. 

Komportable na ang pag-aaral at pag-abot sa mga pangarap. 

Ayon kay Calotes na pangunahing namuno sa ideyang pagtatayo ng silid-aralan, masaya siya dahil iyon ang pinakamakabuluhan na content ang nagawa niya mula noong siya ang magsimula bilang content creator. 

“Grabe ‘yong di mabayarang saya ng mga dito dito. Hindi lang teachers at [mga] estudyante, pero ang buong community ay tuwang tuwa,” saad ni Colates. 

Pagtatapos niya, “[a]ko mismo ay masaya dahil ito na ata ‘yong pinaka-meaningful at isa sa pinakamalaking content na ginawa natin simula noong mag-umpisa akong maging content creator. 

Kasalukuyan na ngayong umabot sa mahigit 14 milyon ang views ng nasabing post ni Colates. 

Pasasaan ba’t darating din ang panahon na hindi na hihingiin ng mga Pilipino ang mga pangangailangang dapat sana ay normal na ginagawa ng gobyerno mula sa pagkaltas sa mga buwis ng mamamayan at kaban ng bayan. 

Ngunit habang narito pa sa panahong hikahos at hindi umaayon ang panahon para sa mga nasa laylayan, asahang hindi mauubos ang mga katulad ni KingLucks. 

Silang tunay na may malasakit. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita