December 12, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Dinawit, binastos si Sharon? Sen. Kiko, banas sa 2 anchors ng isang TV network

Dinawit, binastos si Sharon? Sen. Kiko, banas sa 2 anchors ng isang TV network
Photo courtesy: Kiko Pangilinan (website/IG)

Sinita ni Sen. Kiko Pangilinan ang dalawang news anchors ng isang programa sa NET25 matapos umanong idawit, insultuhin, at bastusin ang misis niyang si Megastar Sharon Cuneta, kaugnay sa usapin ng flood control projects.

Sa kaniyang Instagram post noong Lunes, Setyembre 1, tinawag ni Pangilinan ang atensyon nina Nelson Lubao at Gen Subardiaga ng programang “Sa Ganang Mamamayan,” na nagsagawa naman ng panayam sa baguhang senador na si Sen. Rodante Marcoleta, na siya namang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

Mababasa sa Instagram post ni Pangilinan, "Sa mga opisyal at management ng Net 25:"

"Tama ba na sa pagbatikos sa akin ng inyong mga anchors na sina Nelson Lubao at Gen Subardiaga sa programang 'Sa Ganang Mamamayan,' kung saan naging guest ninyo si Senador Dante Marcoleta, ay dinawit ninyo ang aking maybahay na si Sharon na wala namang kinalaman sa usapin ng kurakot sa flood control?"

Tsika at Intriga

'The truth is out!' Claudine proud sis, wala si Gretchen sa listahan ng DOJ

"Binastos ng programang ito si Sharon at sinaktan ninyo ang kanyang kalooban kahit na nananahimik siya at walang kinalaman sa issue ng korupsyon. Ito ba ay upang mapag-usapan at dumami ang inyong viewership?"

"Tama ba na idawit ang isang inosenteng taong walang kinalaman sa official business ng Senado at gawing katawa-tawa ang kanyang pagkatao sa publiko? Ano ba ang ginawa ni Sharon sa inyong istasyon at sa mga anchorpersons, at binastos ninyo ang kanyang pagkatao?"

"Hindi ganito ang mga propesyunal na mga broadcaster."

"Your anchors disrespected Sharon, insulted her, and wounded her feelings by baselessly dragging her in this issue."

Kaya naman, giit ng senador na deserve ng kaniyang asawa na makarinig ng public apology mula sa TV network gayundin sa dalawang anchors.

"She deserves a public apology from Net 25 and your anchorpersons."

"Huwag ninyong idinadawit ang mga inosente at binabastos, lalo na ang mga asawa ng mga Senador, ang mga wala naman kinalaman sa mga opisyal na mga usapin sa Senado," aniya pa.

ISYU NG INDEPENDENT COMMITTEE PARA SA IMBESTIGASYON NG GHOST FLOOD CONTROL PROJECTS

Pumalag si Marcoleta sa pagsuporta ni Pangilinan para sa isang independent committee sa imbestigasyon ng flood control project.

Mula ito sa mungkahi ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III, kung saan, na dapat daw magkaroon ng Independent People’s Commission para sa pag-iimbestiga ng mga umano’y ghost flood control projects.

Pumabor naman dito si Pangilinan, at sinabing mas mainam daw kung ito ay pamumunuan nina dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) chief Rogelio Singson at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Bagay na inalmahan naman ni Marcoleta dahil tila insulto raw ito sa isinasagawang hearing ng Blue Ribbon Committee.

"Ang pagkakaintindi ko d’yan, iniinsulto niya ako. Ako naman, ayaw kong iniinsulto ako,” saad ni Marcoleta sa nabanggit na TV program noong Biyernes, Agosto 29, 2025.

Hinamon din ni Marcoleta si Pangilinan na palitan na lamang daw siya sa kaniyang posisyon bilang pinuno ng blue ribbon committee.

“Kaya kung gusto niya akong palitan, magpresenta siya at pakita niya na mas marunong siyang gumawa ng mandatong itinalaga sa committee na ‘yan,” ani Marcoleta.

KAUGNAY NA BALITA: Marcoleta, umalma sa pagpabor ni Pangilinan sa ‘independent flood control probe:’ 'Iniinsulto n’ya ako!'

Nakarating naman ito sa kaalaman ni Pangilinan, at pinalagan.

Sa kaniyang Facebook post noong Agosto 31, nilinaw ng senador ang nasabing isyu at iginiit na kulang daw sa research ang kasamahan sa Senado.

“Una sa lahat, mali-mali ang impormasyon ni Sen Marcoleta. Hindi ako ang nagmungkahi ng Independent Commission at panukalang SB 1215 ito ni Sen Sotto. Kulang siya sa research,” saad ni Pangilinan.

Ang pagsang-ayon at pagsusulong daw ng isang independent committee para sa imbestigasyon ng flood control project ay hindi raw nangangahulugang pagbawalang mag-imbestiga si Marcoleta.

KAUGNAY NA BALITA: Pangilinan, binanatan si Marcoleta: 'Galingan na lang n’ya ang pag-iimbestiga!'

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang nabanggit na dalawang anchors o maging ang NET25 hinggil sa isyu.