Kuwestiyonable umano ang hindi pagtatanong ng mga senador sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes, Setyembre 1 sa contractor na si Lawrence Lubiano na siya ring top donator umano ng Senate President na si Sen. Francis “Chiz” Escudero noong 2022 National Election.
Pinuna ito ng abogado na si Atty. Jesus Nicardo M. Falcis III sa kaniyang post noong Lunes, Setyembre 1 matapos ang naging pagdinig ng Senado sa maanomalyang flood-control projects.
Ayon sa Facebook post ni Atty. Falcis, pinoprotektahan daw ba ng Senado ang Senate President kaya hindi binigyan ng maraming katanungan si Lubiano?
“Did the Senate protect Senator Chiz Escudero?” panimula niya sa kaniyang post.
Aniya, parang hindi raw niya masyadong nakitang tinanong ni Sen. Rodante Marcoleta at iba pang “DDS Senators” kung ano ang dahilan ng pagbibigay ni Lubiano ng ₱30 milyong halaga kay Sen. Escudero.
“Correct me if I’m wrong - did Marcoleta or DDS Senators ask Lawrence Lubiano why he donated 30 Million pesos to Senate President Chiz Escudero?” anang Falcis.
Pagpapatuloy pa niya, “[d]id they even at least once ask him any question throughout the hearing about anything aside from introducing himself and asking if Centerways Construction is present?”
Paglilinaw pa ni Atty. Falcis, sinigurado niya ulit kung naitanong nga ba ng mga senador si Lubiano sa pamamagitan ng pag-uulit ng video ng pagdinig ngunit tila wala talaga.
“Meron bang kahit isang tanong? Parang wala ako narinig eh minonitor ko naman yung buong hearing. Nag rewind pa ko sa Youtube to check if meron. I might be wrong but upon my own checking, parang wala,” saad ng abogado.
Binigyang-diin ni Atty. Falcis na ito ang problema sa “circus” na pinamumunuan ni Sen. Marcoleta sa imbestigasyon ng Senate Blue Committee.
“And that is what’s wrong with this whole Senate circus led by Senator Marcoleta. The Senate is not in a position to investigate flood control anomalies and corruption of contractors - eh sila mismo mga Senador may questionable ties!” ani ni Atty. Falcis.
Sa pagpapatuloy ng abogado, inisa-isa niya ang iba pang mga senador na tumanggap umano ng donasyon sa mga contractor noong 2022 National Election ayon sa inilabas ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
“Sabi ng PCIJ, at least three Senators meron - Chiz, Joel, and Bong Go. Pero hindi pa yan exhaustive list kasi hindi pa lumalabas kung sino yung 4 na Senador na may mga donations na tinanggap this 2025 Elections according sa SOCE nila at sa COMELEC,” paliwanag ni Atty. Falcis.
Pagdidiin ng abogado, “Lawrence Lubiano is the [top donor] of Chiz Escudero.”
Ayon pa kay Atty. Falcis, kapuna-puna ang hindi pagtatanong tungkol sa usaping ng pagbibigay ni Lubiano sa kaibigan nitong si Sen. Chiz.
“It is a glaring [c]ommision not to ask him any question - from his friendship with Chiz to the numerous projects his company bagged in Sorsogon and beyond,” aniya.
Suhestiyon pa ng abogado, mas maganda pa umano na ipasa sa “independent commission” ang pag-iimbestiga sa maanomalyang “flood-control scams”
“So again, can we go instead for an independent commission to investigate flood control scams?” pagtatapos niya.
Isa sa mga pangunahing senador na nagtanong sa mga contractor na dumalo sa pagdinig ay sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Erwin Tulfo, Sen. Bato Dela Rosa, Sen. Raffy Tulfo, Sen. Risa Hontiveros at iba pa.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Para hindi kayo ang magilitan lang ng leeg, magturo na kayo’—Sen. Marcoleta
KAUGNAY NA BALITA: Opisyal ng DPWH, umamin sa ghost projects ng ahensya
KAUGNAY NA BALITA: 'Si Bong Go na hanep magmalinis kanina sa Senate Investigation'—Trillanes
Mc Vincent Mirabuna/Balita