Isa sa mga inusisa sa Senado ang umano’y “revolving door” licensing ng mga kontraktor na blacklisted sa paghawak ng mga proyekto sa gobyerno, sa pagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes, Setyembre 1.
Sa pangunguna ni Senate Minority Leader Vincente “Tito” Sotto III, inimbestigahan ang patuloy na validity ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ng mga kompanyang St. Gerrard Construction at St. Timothy Construction kahit na blacklisted ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ibinunyag ni Sotto na ang St. Gerrard Construction ay sinuspinde noong 2015 at blacklisted ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong 2020, ngunit ang PCAB license nito ay nananatiling valid hanggang Enero 2026.
Ang St. Timothy Construction naman ay may PCAB license validity hanggang 2027 sa kabila ng umano’y kakulangan nito sa nagkakahalagang ₱ 96.4 milyong Bulacan River Project noong 2023.
Dahil dito, ipinanukala ni Sotto ang amendment ng Republic Act (RA) No. 4566 Contractors’ License Law of 1965 bilang pagpapabuti ng ugnayan ng ng PCAB sa DPWH.
Kung kaya naman, alamin kung bakit naba-blacklist ang isang kontraktor at ano ang mga implikasyon nito?
Inilahad ni Senador Rodante Marcoleta sa Senate Blue Ribbon Committee na ang DPWH ay may otoridad na magpataw ng blacklisting sa ilalim ng kanilang hurisdiksyon sa mga kontraktor nito.
Ayon sa RA No. 9184 o ang Government Procurement Policy Board (GPPB), ang mga kontraktor ay kadalasang nagiging blacklisted dahil sa mga kadahilanang:
- Paglabag sa pagsunod sa mga contractual obligation, dala ng pagpapabaya o hindi pagsunod sa timeframe na napag-usapan.
- Hindi maayos na performance o pagsasagawa ng proyekto.
- Pagiging kasangkot sa mga illegal na pamamalakad.
- Pag-iimplementa ng “ghost projects” o substandard na proyekto.
Mahalaga ring tandaan na ang blacklisted na tao o kompanya ay maaaring maging “delisted” o matanggal sa GPPB Consolidated Blacklisting Report matapos ang inilaang haba ng panahon ng blacklisting nito o kaya nama’y sakaling mag-issue ng Delisting Order ang blacklisting agency o ang ahensyang nag-file ng blacklisting request.
Kung mangyari naman na nais panatalihin ng ahensya ang tao o kompanya sa GPPB Consolidated Blacklisting Report, maaari itong i-grant sa ilalim ng mga dahilang nailahad para masuspinde o ma-blacklist ito.
Ayon sa Malacañang, ang blacklisting ay nagbabawal sa isang kompanya o tao na makasali sa mga bidding process at makapirma ng bagong kontrata sa gobyerno.
Maging ang kanselasyon ng account nito sa Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS), na isang centralized portal para sa procurement information ng gobyerno.
Sa kaugnay na balita, pinaigting ni DPWH Sec. Vince Dizon sa kaniyang press briefing noong Lunes, Setyembre 1, ang agarang blacklisting ng mga kontraktor na mapapatunayang kasangkot sa “ghost” projects o pamamahala sa mga substandard na proyekto
At bukod dito, magkakaroon din ng kaakibat na kaso ang mga makukuhang pangalan sa anomalyang ito.
Kung kaya nama’y kasama rin sa kaniyang mga gagawin ay ang “‘clean sweep” o paglilinis ng ahensya, kung saan, magbibigay siya ng courtesy resignation sa mga kawani at opisyal na mapapatunayang may koneksyon sa mga proyektong ito.
KAUGNAY NA BALITA:Mga kontraktor ng ghost projects, ‘lifetime blacklisted’ sa DPWH – Dizon
Sean Antonio/BALITA