December 13, 2025

Home BALITA

Sen. Camille Villar isinusulong ang dedicated Breastfeeding Centers sa bawat barangay

Sen. Camille Villar isinusulong ang dedicated Breastfeeding Centers sa bawat barangay

Isinusulong ni Senadora Camille Villar ang pagtatatag ng dedicated breastfeeding centers sa bawat barangay sa buong bansa upang matiyak ang wastong nutrisyon ng mga sanggol at mas palakasin ang suporta para sa mga ina.

Inihain ni Villar ang “Barangay Breastfeeding Centers Act,” na nagtatadhana ng pagtatayo ng mga breastfeeding hub na mag-aalok ng libreng gabay, akses sa mga materyales para sa pagpapasuso, at mga information campaign hinggil sa mga benepisyo ng breastfeeding. Sa ilalim ng panukala, regular ding sasanayin ang mga barangay health worker upang mapabuti ang serbisyo para sa mga ina at kanilang mga anak.

“Ang gatas ng ina ang pinakamainam na pagkain para sa mga sanggol—kumpleto ito sa nutrisyon, nagpapalakas ng resistensiya, at nakatutulong din sa kalusugang pangkaisipan ng mga ina sa pamamagitan ng pagbawas sa panganib ng postpartum depression,” ani Villar. “Ngunit marami pa ring pamilyang Pilipino ang nahaharap sa hadlang sa pagpapasuso. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng dedicated breastfeeding centers sa bawat barangay, mapapabuti natin ang kaligtasan ng mga bata, maibsan ang gastusin ng mga magulang, at makabuo ng mas malulusog na komunidad.”

Bilang pinakabatang senador ng ika-20 Kongreso, binigyang-diin ni Villar ang kanyang adbokasiya bilang vice chair ng Senate Committee on Health and Demography at miyembro ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality. Iginiit niya na dapat gawing pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang kalusugan ng mga ina at bata.

Truly blessed! VP Sara, thankful sa mga DDS na alam ang paninira at katotohanan

Batay sa datos ng Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO), 34 porsiyento lamang ng mga sanggol na wala pang anim na buwan ang eksklusibong pinapasuso—malayo sa pandaigdigang target na hindi bababa sa 50 porsiyento. Ipinapakita ng mga pag-aaral na ang breastfeeding ay nakapipigil sa pagkamatay ng mga bata mula sa diarrhea at pulmonya, habang ang mga inang nagpapasuso ay may mas mababang tsansa na magkaroon ng breast at ovarian cancer.

Layunin din ng panukala na palakasin ang implementasyon ng Rooming-in and Breastfeeding Act of 1992 at Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009.

“Habang ipinagdiriwang natin ang National Breastfeeding Awareness Month ngayong Agosto, alalahanin natin na ang pagsuporta sa mga inang nagpapasuso ay hindi lamang personal na pasya kundi responsibilidad ng buong komunidad,” dagdag ni Villar.