Inamin ng negosyante at dating mayoral candidate sa Pasig City na si Sarah Discaya na umaabot sa isa o hanggang tatlong mamahaling mga kotse ang nabibili nila minsan umano sa loob ng isang taon.
Naitanong ni Sen. Jinggoy Estrada sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong Lunes, Setyembre 1 kung gaano kadalas na nakakabili ng kotse si Discaya.
“Ilang beses kang bumili ng kotse sa isang taon?” pagtatanong ni Sen. Jinggoy.
“Minsan sa isang taon [ay] isa or kaya tatlo ‘yong iba,” naisagot naman ni Discaya.
Samantala, nauna nang isa-isahin ni Discaya ang mga luxury cars na nabili niya mula sa taong 2021 hanggang sa kasalukuyan sa pamamagitan ng paghihimay na mga katanungan ni Sen. Jinggoy.
“Tungkol sa mga kotse mo ulit, sinabi mo kasi sa interview mo na apatnapu (40) ‘yong kotse mo [o] luxury cars. Ngayon inamin mo na 28 lang. Anong nangyari sa labindalawa (12)?” pagtatanong ni Sen. Jinggoy.
Nilinaw naman ni Discaya na 28 umano ang kaniyang biniling luxury cars.
“28 po ‘yong luxury cars pero may service cars kasi kami na under the name of the company po,” paglilinaw ni Discaya.
Sa pamamagitan nito, sinagot mismo ni Discaya sa pagdinig ng Senado kung ano-ano ang mga nabili niyang luxury cars at kung magkano niya ito nabili.
“So the Rolls Royce [is] around parang 42 [million pesos].
“The Maybach [Mercedes] parang nasa 22 [million pesos]
“Bently[...] 20 [million pesos]
“G 63 [Mercedes-Benz]. Parang nasa 20 million [pesos] ata.
“‘Yong Cadillac po. ‘Yong SUV. parang mga 11 [million pesos] yata po ‘yon. One white, one black (8 million pesos).
“‘Yong GMC[...] Dalawa. Parang nasa 11 [million pesos each] din yata siya, e.
“‘Yong Suburban. Isa lang po[...] Parang nasa three (3) [million pesos] lang yata siya noon[...]
“[...]’Yong mga binanggit ko kanina, that was only [on] 2022 or ‘21. ‘Yong iba. Let’s say the autobiography, 2016 pa po ‘yon[...] Like Range Rover, 2016 pa po siya[...] 16 [million pesos], 2016 pa po siya.
“Defender. Range Rover. Isa lang po. Parang nasa seven (7) [million pesos] yata po ‘yon.
“The Evoque. Range Rover. Maliit parang nasa five (5) [million pesos] lang yata po siya,” pag-iisa-isa ni Discaya sa pagi-pagitan ng paghihimay ni Sen. Jinggoy.
Kung kukuwentahin ang lahat ng halagang nabanggit ni Discaya sa pagdinig ng Senado, aabot sa humigit-kumulang ₱158 milyon ang halaga ng lahat ng luxury cars na nabili nila simula umano noong 2016 hanggang 2025.
Matatandaang naging mainit na usapin online ang post ni Pasig Mayor Vico Sotto kaugnay sa mga mamamahayag na sina Julius Babao at Korina Sanchez-Roxas matapos silang magkaroon ng interview noon sa mag-asawang Disccaya.
KAUGNAY NA BALITA: Vico Sotto, sinita mga journalist na umano'y tumatanggap ng bayad sa interview
Kung saan, sinita ni Mayor Sotto ang sina Julius at Korina na tumanggap umano ng lagay kapalit ng pag-interbyu sa mga Discaya.
“Bago tanggapin ng mga kilalang journalists ang alok para mag-interview ng Contractor na Pumapasok sa Politika, hindi ba nila naisip na, 'Uy teka, ba’t kaya handa ’to magbigay ng 10 million* para lang magpa-interview sa akin??'," saad ni Sotto sa isang Facebook post niya noong Agosto 21.
Pinabulaanan naman ng mga nasabing beteraning mamamahayag na may natanggap 10 milyon ayon sa nasabing halaga ni Mayor Sotto sa kaniyang post.
Matatandaang kasama ang mga kumpanyang YPR Gen. Contractor and Construction, Elite General Contractors and Development Corp., and Amethyst Horizon Builders na listed umano kay Curlee Discaya (asawa ni Sarah Discaya) sa top 15 na mga contractors ng flood-control projects na inisapubliko noon ni PBBM.
KAUGNAY NA BALITA: Julius Babao sa ₱10M na bayad ng mga Discaya: ‘Walang katotohanan!’
KAUGNAY NA BALITA: Korina Sanchez, nagbiro sa presyo ng OOTD niya pa-Hong Kong: 'Eh di ₱10M!'
KAUGNAY NA BALITA: Arnold Clavio kay Vico Sotto: ’Huwag kang magtago sa mga pasaring'
Mc Vincent Mirabuna/Balita