Inamin mismo ng contractor na si Sarah Discaya sa Senate hearing na binili niya ang isang luxury car dahil natuwa siya sa payong.
Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee nitong Lunes, Setyembre 1, inusisa ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada si Discaya kung ilan ang kabuuang bilang ng kaniyang luxury car.
Ayon kay Discaya, ito ay nasa 28 lamang, taliwas sa unang nabanggit niya sa mga interview, na nasa 40 ang luxury cars na meron sila ng asawa niyang si Pacifico "Curlee" Discaya.
Kasunod nito, inusisa pa ni Estrada si Discaya kung totoo bang binili niya ang isang luxury car dahil sa payong.
"Balita ko doon sa interview mo, binili mo 'yong isang Rolls-Royce [Cullinan] dahil sa payong?" pag-usisa ng senador. "Tama ba?"
"Sir, yes po," nakangiting sagot ni Discaya.
Matatandaang binanggit ni Discaya sa kaniyang interview sa mamamahayag na si Julius Babao noong 2024, na nagustuhan niya ang Rolls-Royce Cullinan dahil sa payong na feature nito na nakalagay sa dalawang pinto ng sasakyan.
“Kasi ito o, may payong. Natutuwa ako sa payong. Pero hindi ko pinagagamit itong payong na ito kasi mahal yung payong. [May] payong on both sides [ng pinto]," ani Discaya.
"So ayan yung feature ng Rolls na kaya ko siya nabili kasi natuwa ako sa payong."
Samantala, itinanong din ni Estrada kung saan gagamitin ang 28 luxury cars.
"Paano kayo nagkainteres sa kotse? Saan n'yo gagamitin yung 28 luxury cars? Araw-araw gusto mo magpalit ng kotse?" giit ng senador.
"I have four kids that uses it all the time...," ani Discaya.
"And you bought that from the taxpayers' money?" segunda ni Estrada.
"No po. Ah hindi po," sagot ng contractor.
Kabilang ang dalawang pang kompanya ng mga Discaya na Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corp. at St. Timothy Construction Corporation sa top 15 contractors na pumaldo umano sa flood control projects batay sa impormasyong isiniwalat mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr..