Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pamimigay ng cash aid sa mga manggagawa sa sektor ng turismo na apektado ng mga nagdaang bagyo sa lalawigan ng Aurora nitong Lunes, Setyembre 1.
“Asahan po ninyo kahit nasaang sektor kayo sa ating lipunan, kahit ano po ang naging hanapbuhay ninyo, kapag po kayo ay naging biktima ng kahit anong klaseng sakuna, asahan ninyo po na nandito ang inyong pamahalaan upang alalayan kayo,” pagtitiyak ng Pangulo sa mga manggagawa.
Dinagdag din niya na patuloy na tutulong ang administrasyong Marcos hindi lamang sa panahon ng krisis, at ang patuloy na palalaguin ang industriya ng turismo sa bansa.
Kasama sa emergency cash transfer (ECT) program ceremony ay si Department of Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Field Office 3-Central Luzon Director Venus Rebuldela, presidential son na si William Vincent "Vinny" Marcos, at ang mga ehekutibo sa munisipalidad ng Aurora.
Ang ECT ay programang inisyatibo ng DSWD-DOT na tinatawag ding "Bukas na May Pag-asa sa Turismo (BBMT)," kung saan ang layon nito ay makapagbigay-tulong sa mga manggagawa sa sektor ng turismo na ang pangkabuhayan ay naapektuhan ng mga sakuna.
Sa kaugnay na balita, magsasagawa pa ng simultaneous payouts ang DSWD sa iba pang munisipalidad ng Aurora mula Setyembre 2 hanggang 5.
At ayon din sa Pangulo, mahigit 2,800 ang nabigyan ng training at tulong pinansyal sa ilalim ng programang BBMT.
Sean Antonio/BALITA