December 13, 2025

Home BALITA National

‘Para hindi kayo ang magilitan lang ng leeg, magturo na kayo’—Sen. Marcoleta

‘Para hindi kayo ang magilitan lang ng leeg, magturo na kayo’—Sen. Marcoleta
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Hinikayat ni Sen. Rodante Marcoleta na ituro na raw ng mga kontratista ng maanomalyang flood-control projects ang posibleng matataas na indibidwal sa mga ahensya ng gobyerno na maaaring nasa likod nito. 

Nagbigay ng suhestiyon si Sen. Marcoleta bago magsimula ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong Lunes, Setyembre 1 sa kontrobersyal na flood-control projects para sa mga dumalong kontratista.

Ayon sa senador, ituro na umano ng mga kontratistang dumalo sa pagdinig ng Senado ang mga matataas na indibidwal na kilala nila upang hindi lang umano sila ang managot kung sakaling may mapatunayan ang imbestigasyon sa kaso. 

“Alam namin na mabigat ito. Inaasahan n’yo ba na kayo lang ang magdurusa rito? O kung magturo kayo halimbawa ng may mas malaking pananagutan dito,” saad ni Sen. Marcoleta. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Dagdag pa niya, “[S]ino sa DWPH (Department of Public Works and Highways) ang may direktang malaking pananagutan dito, ituro po ninyo. Sino po sa mga funder, sino sa mga politiko na may kagagawan nito? Ituro po ninyo.” 

Binigyang-linaw ni Marcoleta na mas mababa ang maipapataw na kaso sa mga kontratista kung pipiliin ng mga ito na makipagtulungan sa kanila. 

“Ang magiging liability n’yo lang siguro ay civil damages kung papayag kayo. You indemnified the government. Ibalik ninyo ang perang nawala[...]” anang senador. 

Pahabol pa ni Marcoleta, “[I]big kong sabihin, para hindi kayo ang magigilitan lang ng leeg [ay] magturo na kayo.” 

Hindi umano matutulungan ng komite ang mga kontratista kung hindi sila makikipagtulungan sa pag-iimbestigasyon. 

“[...]Ngunit hindi po namin alam kung papaano namin kayo matutulungan hangga’t hindi po kayo magsasabi talaga,” ani ng senador. 

Inamin din ni Marcoleta na may ilan na ang lumapit sa kanila ngunit natatakot ang mga ito dahil baka malagay umano sa panganib ang kanilang buhay. 

“Mayroon po talagang sumulat sa amin na nagsasabing gusto na po talaga nilang magtapat ngunit ang sabi nila ‘nanganganib po ang buhay namin at buhay ng aming pamilya,” ‘ika ng senador. 

Matatandaang inispluk ni Pangulong Bongbong Marcos noong Hulyo 28 ang nangurap umano sa flood control project at nagpalala ng baha sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'

Sa kaniyang talumpati para sa ikaapat niyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28 iginiit ng Pangulo na nakita raw niya sa kaniyang pag-iinspeksyon ang resulta ng korap na pagpapatupad ng nasabing proyekto.

Inisa-isa rin niya ang mga nangyayaring modus ng korapsyon mula sa pagpapatupad ng flood control project.

“Huwag na po tayong magkunwari, alam naman ng buong madla, na nagkakaraket sa mga proyekto. Mga kickback, mga initiative, errata, SOP, for the boys. 

“Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, 'Mahiya naman kayo sa inyong kapuwa Pilipino!” ani ni PBBM.

Naging mainit ang usapit ng flood-control projects magmula nang banggitin ito ng pangulo. 

Lumabas sa mga imbestigasyon na aabot sa bilyon-bilyong halaga ang naitala nagastos mula sa maraming proyekto sa Pilipinas. 

Nauna nang sabihin ni Marcoleta noong Agosto 19 na tigilan na umano ang pagpapaikot at paglihis sa tunay na problema.

KAUGNAY NA BALITA: Marcoleta sa isyu ng flood control: 'Tama na ang pagpapaikot!'

Dapat umanong mabigyang-linaw ang mga ugat ng malalang pagbaha sa bansa sa kabila ng malaking pondo na inilaan para sa mga proyekto ng flood-control projects. 

“Tama na ang pagpapaikot at paglihis sa tunay na problema. Tungkulin natin ngayon na bigyang-linaw at sagot ang mga kababalaghang nangyayari sa mga kontratang ipinasok ng gobyerno at ang mga private contractors,” saad noon ng senador. 

KAUGNAY NA BALITA: Talak ni Sen. Erwin Tulfo sa mga contractor na ‘di sumipot sa Senado: ‘Parang ginag*go ang committee!’

KAUGNAY NA BALITA: Pangilinan, binanatan si Marcoleta: 'Galingan na lang n’ya ang pag-iimbestiga!'

Mc Vincent Mirabuna/Balita