December 13, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Michael V 'nakaladkad' dahil kay Sarah Discaya: 'Gawan ng parody!'

Michael V 'nakaladkad' dahil kay Sarah Discaya: 'Gawan ng parody!'
Photo courtesy: Bubble Gang (FB)/Screenshot from Senate of the Philippines (FB)

Hinihiritan ng mga netizen ang Kapuso comedy genius na si Michael V na gawan daw sana ng parody o iskit sa longest-running gag show na "Bubble Gang" ang kontrobersiyal na contractor at natalong Pasig City mayoral candidate na si Sarah Discaya, matapos humarap ng huli sa Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, Setyembre 1.

Si Michael V, ay kilalang komedyante, aktor, mang-aawit, manunulat, at direktor sa Pilipinas. Mas nakilala siya bilang “Bitoy” at itinuturing na isa sa pinakamatagumpay at respetadong haligi ng Philippine comedy.

Kilalang-kilala siya sa kaniyang pagiging multi-talented: mahusay siyang bumuo ng mga parody ng kanta, magpatawa gamit ang matalinong banat, at gumanap ng iba’t ibang karakter sa mga programang gaya ng Bubble Gang at Pepito Manaloto.

Dahil sa kaniyang husay at kontribusyon sa industriya, nakamit niya ang bansag na “Comedy Genius” ng bansa.

Tsika at Intriga

Kim Chiu, Paulo Avelino nagsasama na sa iisang bubong?

Habang nagaganap ang hearing sa Senado kay Discaya, napansin ng mga netizen ang tila pagkakahawig daw niya kay Bitoy.

Bagay na tila nakarating naman sa kaalaman ng Bubble Gang, kaya naglabas sila ng isang Facebook post kung saan makikita ang isang karakter na ginampanan ng komedyante.

Ang nabanggit na karakter ay si "Mr. Assimo," na nakasuot ng kulay puting damit, may suot na salamin sa mata, at maiksi ang buhok.

"Hiyang-hiya naman kami sayo 'no!" mababasa sa caption.

Bagama't walang tinukoy, ang mga netizen na mismo ang nagsabing baka "shade" ito sa kontrobersiyal na kontraktor.

Sa comment section, naghayag ng pagkasabik ang mga netizen sa posibilidad na gawan daw ni Bitoy ng parody ang naganap na senate hearing, at baka gayahin daw niya si Discaya.

"Excited ako sa next parody bi Michael V!!!! Hahahahaha"

"Kaya pala di naging mayor, kasi magiging artista pala. Nice nice!"

"Dapat may bitbit ding payong haha."

"Hindi kamuka,,walang nunal sa ilalim ng ilong."

"Kamukha niya legit hahaha."

"Hahaha ayan na nga na kw tlga to e niloko kmi knina sbi discaya Yun hahha."

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Michael V tungkol dito.

SINO NGA BA SI SARAH DISCAYA?

Bukod sa kaniyang pagpasok sa politika, kamakailan lamang ay umingay ang pangalan ni Sarah Discaya matapos pag-usapan ang kontrobersiyal na panayam sa kanilang dalawa ng asawang si Curlee Discaya, ni broadcast journalist Julius Babao, sa kaniyang YouTube channel.

Muli itong naungkat nang mag-post si Pasig City Mayor Vico Sotto tungkol sa ilang mga journalist na umano'y tumanggap ng "bayad" para sa panayam, at ang hinalimbawa nga niya ay ang naging panayam ng mga Discaya kina Babao at isa pang batikang broadcast journalist na si Korina Sanchez-Roxas.

KAUGNAY NA BALITA: Vico Sotto, sinita mga journalist na umano'y tumatanggap ng bayad sa interview

Sinasabing si Cezarah Rowena Cruz “Sarah” Discaya ay isang Filipino-British na negosyante at kumandidatong mayor ng Pasig City, na tinalo ng kasalukuyang mayor na si Vico Sotto.

Siya ay asawa ni Curlee Discaya na katuwang niya sa pamamalakad ng kanilang negosyo.

Siya ay kasalukuyang ehekutibo sa ilang construction firms tulad ng St. Timothy Construction Corporation, St. Gerrard Construction Corporation, at Alpha & Omega General Contractor & Dev’t Corp., kabilang din ang iba pang mga kaugnay na kompanya.

Bilang isang philanthropist, kilala si Sarah para sa kanyang “Ate Sarah” persona, na nagsagawa ng medical missions, relief operations, at pamamahagi ng community equipment sa mga barangay para sa mahihirap na Pasigueño.

Ngunit, hindi rin siya nakaligtas sa kontrobersiya. Ang kaniyang mga kompanya ay kinukuwestyon sa mga umano'y malalaking flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nagdulot ng imbestigasyon dahil kabilang ito sa 15 contractors na tinukoy ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na nararapat umanong imbestigahan dahil sa mga alegasyon ng anomalya.

KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Sino-sino may-ari ng 15 contractor companies na pumaldo sa pondo ng flood control project?

Batay ito sa naging sagot niya nang usisain ni Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa kung kailan sila pumasok sa DPWH para sa flood control projects.

Sagot ni Discaya, 2012 pa sila nagsimulang makipagtuwang ng trabaho sa DPWH.

Muli itong iginiit ni Discaya nang muli siyang uriratin ng senador dahil tila hindi raw tiyak o sigurado ang kaniyang sagot.

Sumunod na inusisa naman ni Dela Rosa ay kung kailan sila nagsimula ng flood control projects.

"'Yong mga flood control projects, kailangan kayo nag-engage sa flood control projects sa DPWH?" anang senador.

Sagot ni Discaya, "Siguro mga 2016 onwards."

Kambyo agad ng senador, "Please make sure of your answer. 2016?"

Sagot naman ulit ni Discaya, "Yes po, 2016 onwards po..."

KAUGNAY NA BALITA: Discaya kay Sen. Bato kung kailan nagsimula sa flood control projects: '2016 onwards!'

Higit pa rito, kinuwestiyon din ang kaniyang koleksyon ng luxury cars, na aniya ay umabot hanggang 28 sasakyan, kabilang ang mga mataas ang halaga tulad ng Rolls-Royce, Bentley, Mercedes-Maybach, at Cadillac — na nagdulot ng pagsisiyasat ng Bureau of Customs (BC).

KAUGNAY NA BALITA: Sarah Discaya, aminadong binili ang isang luxury car dahil natuwa siya sa payong

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Risa, ibinalandra mga presyo ng luxury cars ng mga Discaya; pinakamahal, pumalo ng ₱42M!