Isa sa mga unang ibababang reporma ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ay ang pagpapataw ng “lifetime blacklisting” sa mga kontraktor ng ghost projects sa ahensiya.
“Kapag ang isang project ng kontraktor ay ‘ghost’ o napatunayang substandard, wala na po itong prose-proseso, wala nang imbestigasyon, automatic po, blacklisted for life ang kontraktor na ‘yan,” saad ni Dizon sa kaniyang press briefing bilang bagong kalihim ng DPWH nitong Lunes, Setyembre 1.
Dagdag din niya na ang nasabing blacklisting ay mga kaakibat na kaso at ang lahat ng makukuhang pangalan mula sa anomalya ay ipapasa sa bagong independent commission na itatayo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na maaatasang magsagawa ng mga imbestigasyon at pagpapataw ng karampatang kaso laban sa mga kawani at kontraktor na madadawit sa mga ghost project na ito.
Kasama rin sa mga repormang isasagawa ni Dizon ay ang “clean sweep” sa ahensya o ang pagbibigay ng courtesy resignation sa mga kawani at opisyal na mapapatunayang may kaugnayan sa mga umano’y korapsyon sa mga proyekto.
“Hindi po magkakaroon ng mga ganitong klaseng proyekto kung walang kakuntsaba sa loob ng DPWH. Kapag ang isang project ay ‘guni-guni’ o ‘ghost project,’ hindi po puwedeng walang tao sa DPWH na nag-sign off niyan,” aniya.
“Ako po’y naniniwala na maraming mabubuti at magagaling na kawani ang DPWH. Ang utos ng ating Pangulo, hanapin sila, at sila ang ilagay sa mga sensitibo at importanteng posisyon,” dagdag ng kalihim sa pagtatalaga ng mga tauhan sa mga posisyon.
At panghuli sa kaniyang mga binanggit ay ang “sweeping revamp” sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), sa pakikipagtulungan sa Department of Trade and Industry (DTI) at Malacañang.
“Ang utos po ng ating Pangulo ay mag-’clean house,’ ‘linisin ang ahensya,’” saad ni Dizon sa pagbubuod ng mga direktibang binanggit.
Idinagdag din niyang bukod sa mga nasabing direktiba, layunin din niyang agarang tugunan ang mga kasalukuyang problema ng bansa sa pagbaha.
“Hindi po madali ito. Wala pong milagro dito, walang silver bullet, walang ‘bukas ayos na ‘to lahat.’ This will take time because it has taken decades for this to build up but we have to start somewhere,” pagtitiyak niya.
Sean Antonio/BALITA