Gumawa na ng hakbang si Senador Rodante Marcoleta para matukoy ang mga nagpaplanong umiwas para panagutan ang maanomalyang flood control projects.
Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committe nitong Lunes, Setyembre 1, sinabi ni Marcoleta na umapela na raw siya sa Bureau of Immigration (BI) ng mag-isyu ng Immigration Lookout Bulletin Orders (ILBO).
“We have requested the immediate issuance of an Immigration Lookout Bulletin Order. Kailangan naming malaman kung sino ang mga nagbabalak tumakbo para umiwas sa pananagutan,” saad ni Marcoleta.
Dagdag pa niya, “Mayro’n din po kaming informal discussion sa Anti-Money Laundering Council. Sila po ay nakahanda rin. At ang kanilang assurance sa amin, mino-monitor po nila ang ginagawa nating proceedings.”
Matatandaang Agosto 19 nang simulan ng komite ni Marcoleta ang imbestigasyon sa proyektong pipigil sana sa pinsalang dulot ng pagbaha.
Sa kaniyang opening statement noon, sinabi niyang kailangan na umanong mabigyang-linaw ang isyu ng flood control projects.
Ani Marcoleta, “Tama na ang pagpapaikot at paglihis sa tunay na problema. Tungkulin natin ngayon na bigyang-linaw at sagot ang mga kababalaghang nangyayari sa mga kontratang ipinasok ng gobyerno at ang mga private contractors.”
Maki-Balita: Marcoleta sa isyu ng flood control: 'Tama na ang pagpapaikot!'
Samantala, ipinag-utos naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno sa gitna ng gumugulong na imbestigasyon dito.
KAUGNAY NA BALITA: Sa gitna ng imbestigasyon sa flood control: PBBM, pinag-utos lifestyle check sa mga opisyal