Nagpahayag ng pagkadismaya si Kabataan Partylist Rep. Renee Co hinggil sa isyung hinaharap ng mga anak ng kongresista at mga kontraktor.
Sa kaniyang pahayag sa Kamara nitong Lunes, Setyembre 1, 2025, pinuna niya ang tila mga "bagong iskolar" daw ng bayan na mas kilala din ngayon na mga "nepo babies" tungkol sa pagpapakasasa raw ng mga ito sa kaban ng bayan.
"Galit ang mga mamamayan sa pagmamayabang nila sa kanilang mga marangyang pamumuhay at sarkastikong binansagan pa nga silang mga 'iskolar ng bayan' dahil pinondohan daw ng buwis ng mga mamamayan ang kanilang lavish lifestyle," ani Co.
Saad pa niya, habang nagpapakasasa raw ang mga nepo babies, ay naghihirap naman ang tunay na mga iskolar ng bayan bunsod ng korapsyon.
"Habang may mga anak ng dinastiya na namumuhay sa karangyaan, ang tunay na iskolar ng bayan naman ang nakikipagbakbakan habang pagod at gutom sa overcrowded classrooms at underfunded universities," saad ni Co.
Matatandaang umusbong ang malawakang pagpuna sa tila "lavish lifestyle" daw ng mga nepo babies o mga anak ng kontraktor at politko matapos ang pagputok ng umano’y isyu ng korapsyon sa flood control project at ang talamak na political dynasty sa bansa.
Ang “nepo babies” ay ibinansag sa social media para sa mga anak ng mga politiko o kamag-anak ng mga politikong tila nagpasalin-salin na lamang ng iba’t iba o hindi naman kaya’y iisang posisyon sa politika.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ang terminolohiyang 'nepotismo' at pag-usbong ng 'nepo babies'