December 13, 2025

Home BALITA National

Discaya kay Sen. Bato kung kailan nagsimula sa flood control projects: '2016 onwards!'

Discaya kay Sen. Bato kung kailan nagsimula sa flood control projects: '2016 onwards!'
Photo courtesy: Screenshots from Senate of the Philippines (FB)

Mainit na pinag-uusapan ng mga netizen ang naging sagot ng kontrobersiyal na contractor na si Sarah Discaya nang mausisa ni Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa kung kailan nagsimula ang kanilang flood control projects, sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa ikalawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, Lunes, Setyembre 1, isa sa mga ipinatawag na contractors si Discaya na siyang owner ng St. Timothy Construction Company.

Dito ay natanong siya ni Sen. Dela Rosa kung kailan silang nagsimulang maging contractor ng DPWH. Ginawang batayan ng senador ang nag-viral na video clip mula sa vlog ni broadcast journalist Julius Babao sa mag-asawang Discaya, kung saan, sinabi ni Sarah na nagsimula silang "yumaman" nang mag-DPWH na sila.

Sagot ni Discaya, 2012 pa sila nagsimulang makipagtuwang ng trabaho sa DPWH.

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Muli itong iginiit ni Discaya nang muli siyang uriratin ng senador dahil tila hindi raw tiyak o sigurado ang kaniyang sagot.

Sumunod na inusisa naman ni Dela Rosa ay kung kailan sila nagsimula ng flood control projects.

"'Yong mga flood control projects, kailangan kayo nag-engage sa flood control projects sa DPWH?" anang senador.

Sagot ni Discaya, "Siguro mga 2016 onwards."

Kambyo agad ng senador, "Please make sure of your answer. 2016?"

Sagot naman ulit ni Discaya, "Yes po, 2016 onwards po..."

Pinagkaguluhan naman sa social media ang video clip nito, dahil ang taong 2016, ay panahon kung kailan naupong pangulo ng bansa si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, nausisa rin si Discaya pagdating naman sa kontrobersiyal na luxury cars na naitampok din sa vlog ni Babao.

Nauna nang binanggit ni Discaya na 28 lang ang luxury cars nila, taliwas sa unang nabanggit niya sa mga interview, na nasa 40 ang luxury cars na meron sila ng asawa niyang si Pacifico "Curlee" Discaya.

"Paano kayo nagkainteres sa kotse? Saan n'yo gagamitin yung 28 luxury cars? Araw-araw gusto mo magpalit ng kotse?" usisa naman sa kaniya ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada.

"I have four kids that use it all the time...," sagot naman ni Discaya.

"And you bought that from the taxpayers' money?" tahasang pagtatanong ng senador.

"No po. Hindi po," sagot ng dating Pasig City mayoral candidate.

"Huwag na tayong maglokohan dito," saad pa ni Estrada.

Kaugnay nito, inamin ni Discaya na bumili siya ng isang luxury car dahil natuwa siya sa payong na feature nito.

KAUGNAY NA BALITA: Sarah Discaya, umaabot sa isa hanggang tatlo binibiling luxury car sa isang taon