Aminado si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na kasalanan daw niya ang late na pag-anunsyo sa suspensyon ng klase nitong Lunes, Setyembre 1, 2025.
Sa isang radio interview nitong Lunes, ipinaliwanag ni Remulla ang naturang late suspension.
"Kasalanan ko 'yan kasi predictive model as of 10 p.m., Central Philippines lang ang affected. Biglang nag-shift, umakyat ang weather system, 3 a.m. ko nakuha ang notice, nagising ako 6am na," ani Remulla.
Saad pa niya, mababa pa raw ang predictive rainfall warning noong 3:00 ng umaga nitong Lunes, dahilan upang hindi siya magsupinde.
"At saka yung unang predictive rainfall, mababa lang, yellow lang. So yung 3 a.m., mataas na, tulog pa ako noon. Kasalanan ko 'yan. Umakyat bigla at nag-shift ang weather system papuntang Metro Manila," ani Remulla.
Matatandaang inulan ng samu’t saring mga reaksiyon at komento ang Facebook post ng DILG hinggil sa suspensyon ng klase matapos itong mai-post nang pasado 5:30 ng umaga kung saan marami sa mga estudyante ang nakabiyahe at nakarating na raw sa mga paaralan.
"Di ba 'yan pwede at least 5am kung kelan na biyahe na eh!"
"5:38 mag aanounce ng suspension gusto ko lang malaman niyo na may mga bata pumapasok sa paaralan ng maaga!"
"Kawawa naman ‘yung ibang nakapasok na sa school."
"Hinig n'yo ba alam ang oras ng mga eskuwelahan lalo na sa mga shifting!?"
"Hindi na nga seryoso mag-announce late pa!"
"Jonvic Remula ano bang alam mo?"
KAUGNAY NA BALITA: ‘Late na!’ Announcement ng 'walang pasok' ng DILG, pinutakti