Matapos maisiwalat ang katotohanan sa umano’y ghost flood control projects, hinikayat ni dating senadora at kasalukuyang Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang mga kasabwat ng Department of Public Works and Highways (DPWH), pati ang ilang hinahayaan ang ahensya sa “kalokohan” nito na magsipagbaba na sa puwesto.
KAUGNAY NA BALITA: Opisyal ng DPWH, umamin sa ghost projects ng ahensya-Balita
Ibinahagi ni De Lima sa kaniyang Facebook post noong Linggo, Agosto 31, na tinatanggap nila ang resignation ng kalihim ng DPWH na si Sec. Manuel Bonoan, kahit pa ito ay salungat sa kaniyang pahayag.
“We welcome the resignation of Sec. Manuel Bonoan, even though he said yesterday that “hindi pagre-resign at pag-iwas sa responsibilidad ang solusyon,” ani De Lima.
“His resignation is necessary to give way to an impartial investigation and much-needed reform in the DPWH, but it does not also absolve him from accountability in the anomalous flood control projects under his watch,” dagdag pa niya.
Aniya pa, magsi-resign na ang mga taong hinayaan lamang ang kalokohan sa proyekto ng flood control, kung sila ay may kahihiyan pa.
“Kung may natitira pang kahihiyan at konsensya ang iba pang opisyal ng DPWH na sangkot o hinayaan lang ang mga kalokohang ito, magresign na rin sila at sabihin ang mga nalalaman nila. Pero kailangan din nilang humarap sa pananagutan,” aniya.
“People are watching. Pagod at galit na ang taumbayan sa paulit-ulit na pagbaha at walang katapusang pandarambong sa kaban ng bayan. Hindi uubra ang PR lang dito. Hindi pwede ang mga substandard lang din na imbestigasyon na basta lang din guguho at paglilipasan ng panahon hanggang magkalimutan na naman,” dagdag pa nito.
Ibinahagi rin niya kung ano ba ang talagang kailangang gawin ukol sa isyung ito.
“Ang kailangan: Kongkreto at walang pinagtakpang resulta—dapat mapanagot at maipakulong ang lahat ng nagsabwatan at ginawang gatasang baka ng kanilang kasakiman, hindi lang ang flood control projects, kundi ang iba pang proyekto at programa ng gobyerno,” aniya.
Matatandaang tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang resignation ni DPWH Sec. Manuel Bonoan noong Linggo, Agosto 31, na epektibo nitong Lunes, Setyembre 1.
MAKI-BALITA: PBBM, tinanggap resignation ni DPWH Sec. Bonoan -Balita
Vincent Gutierrez/BALITA