Pinangunahan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang awarding ng loan packages sa ilalim ng “Turismo Asenso Loan Program” sa Pasay City noong Lunes, Setyembre 1.
Sa nasabing awarding event, 9 na tourism-related MSMEs (Micro, Small, and Medium Enterprises) mula National Capital Region (NCR) at Calabarzon (Region IV-A) ang ginawaran ng loan packages.
Ang Turismo Asenso Loan Program ay initiatibo ng Department of Tourism (DOT) at Department of Trade and Industry (DTI), kung saan nilalayon nitong magbigay ng abot-kayang kapital sa mga lokal na tourism enterprises para palawigin ang turismo ng bansa.
Kung kaya, alamin kung ano ang Turismo Asenso Loan Program at paano ito nagiging kapakipakinabang sa mga MSME:
Ang “Turismo Asenso Loan” ay isang multi purpose loan facility na nagbibigay ng loan o pautang sa MSMEs na nasa sektor ng trade at turismo sa mababang interes bilang tulong sa kanilang product development, business expansion, investment promotion, at capacity-building opportunities.
Sa ilalim ng programang ito, ang mga kuwalipikadong negosyante ay maaaring humiram ng hanggang ₱20 milyon, kung saan mayroong interest rate na aabot lamang ng 1 porsyento kada buwan ayon sa diminishing balance basis, kung saan, ang kumukuha ng loan ay obligado lamang na bayaran ang outstanding loan principal na naiiwan matapos sa bawat bayad.
At habang tumatagal, ang interes ay unti-unting bababa dahil sa balance method na ito.
Para naman sa mga non-collateral loans o unsecured loan, ang mga negosyante ay maaaring makahiram ng hanggang ₱3 milyon, habang ang mga kasalukuyang negosyo na humihiram ay maaaring makahiram hanggang ₱5 milyon.
Dito rin ay mayroong flexible repayment terms hanggang 5 taon sa layong masigurado ang financial stability ng mga negosyo.
Sino ang mga kuwalipikado sa Turismo Asenso Loan program?
- Mga MSME na rehistrado at Filipino-owned o kaya nama’y mayroong at least 60 porsyentong Filipino ownership.
- May track record na hindi bababa sa isang taon.
- Mayroong asset size na hindi lalagpas sa ₱100 milyon.
- Walang recorded na due account sa kahit anong programa ng SBCorp (Small Business Corporation).
- At walang major negative credit findings.
Mga requirement:
- Government-issued ID
- Barangay Micro Business Enterprise Certificate (BMBE) o Mayor’s permit.
- Bank account details
- Dalawang (2) malinaw na litrato ng negosyo na nakikita ang business signage, buong establisyimento, inventory, o assets.
Sean Antonio/BALITA