December 18, 2025

Home BALITA

UP Diliman USC sa palpak umanong flood control projects: ‘Tama na! Sobra na!’

<b>UP Diliman USC sa palpak umanong flood control projects: ‘Tama na! Sobra na!’</b>
Photo courtesy: UP Diliman (FB), UP Diliman University Student Council (X)


Kinondena ng University Student Council (USC) ng University of the Philippines (UP) Diliman ang palpak umanong flood control projects na naging dahilan ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at karatig na rehiyon.

Ibinahagi ng USC ng UP Diliman sa kanilang X post nitong Sabado, Agosto 30, ang kanilang pahayag ukol sa pinsalang idinulot ng pagbuhos ng ulan at pagbaha.

“Ngayong araw, muling napinsala ng mga palpak na proyekto sa flood control ang Metro Manila at mga karatig na rehiyon, na nagdulot ng flash floods, matinding trapiko, at pagkaka-stranded ng mga mamamayan,” anang UP Diliman USC.

Anila, hindi na bago ang bagyo at habagat sa bansa, ngunit kapansin-pansin umano ang mabilisang pagbaha gayong panandalian lamang ang pagbuhos ng ulan.

“Hindi na bago sa mga Pilipino ang bagyo at habagat, ngunit kapansin-pansin na ang panandaliang ulan ay agad nagdudulot ng matinding pagbaha,” anila.

“Samantala, gumastos ang taumbayan ng P545.64 bilyon para sa 9,855 flood control projects mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025...ngunit P332 bilyon ang napunta sa mga ghost flood control projects, ayon sa pahayag ng Department of Budget and Management,” dagdag pa nila.

Ayon pa sa kanila, korapsyon at kakulangan sa kahandaan ang dahilan kung bakit may kapabayaan ang estado sa mga ganitong isyu.

“Ang kakulangan sa kahandaan ng pamahalaan at ang hayag na pagpapabaya sa korapsyon ng mga ahensya at pulitiko ay patunay ng kapabayaan ng estado sa usapin ng kalikasan at disaster risk response,” anila.

“Ito ay nauugat sa pagbibigay prayoridad sa interes ng mga kurap na pulitiko at naglalakihang mga korporasyon na kasosyo nito kaysa sa de-kalidad na pampublikong serbisyo at imprastraktura,” dagdag pa nila.

Isiniwalat din nilang pagod na ang taumbayan sa kapabayaan ng estado, pati sa paglustay ng mga ito sa buwis na araw-araw pinagtatrabahuhan ng mga Pilipino. Anila pa, galit na ang taumbayan sa mga pulitikong ginagawa umanong negosyo ang pampublikong serbisyo.

Hinimok din nila ang mga iskolar ng bayan na kondenahin ang umano’y korapsyon at kaoapabayaan ng estado, pati na rin ang katiwalian sa flood control projects.

Matatandaang kinondena rin ng ilang mga senador na sina Sen. Ping Lacson, Sen. Win Gatchalian, at Sen. Bong Go ang maanomalya umanong flood control projects sa bansa.

MAKI-BALITA: Lacson, 'di naniniwalang 'isolated case' sa DPWH ang isyu ng flood control-Balita

MAKI-BALITA: Ililipat pondo sa DepEd? Sen. Win binalaan DPWH sa ‘ampaw’ na flood-control projects-Balita

MAKI-BALITA: Sen. Bong Go, dismayado sa flood-control projects: ‘Pondo, sana sa health na lang!’-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA