Sinagot ng engineer at itinanghal na "Pinoy Big Brother: Unlimited" Big Winner na si Slater Young ang paratang ng ilang mga netizen na umano'y baka government contractor din siya ng flood-control projects at umano'y "nakinabang" sa anomalya pagdating sa ibinabayad na buwis.
Sa Instagram stories ni Slater, ibinahagi niya ang screenshot ng komento ng isang netizen na nagtanong sa kaniya kung isa rin ba siya sa mga project contractor ng pamahalaan, na nasa balag ngayon ng isyu dahil sa umano'y katiwalian.
"Did u also benefit from Filipino people's tax money? I am disappointed," saad ng netizen.
Komento naman dito ni Slater, "I do not have any government projects."
Paliwanag pa niya, nasa dalawang dekada na siya sa construction industry subalit hanggang ngayon, wala pa siyang luxury car gaya ng Rolls Royce.
At ang mga payong naman daw na mayroon siya, hindi sa sasakyan galing kundi sa give away ng mga bangko.
Mainit ang usapin ngayon sa akto ng korapsyon, lalo na pagdating sa bilyong pondo sa flood-control projects, sa alegasyong nagsasangkot sa ilang mga contractor na kinuha ang serbisyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Marami kasi sa mga proyekto ng DPWH ay napag-alamang "ghost" projects lamang, kaya ganoon na lamang katindi ang mga nararanasang pagbaha, lalo na sa Metro Manila.
Mula mismo ito sa kumpirmasyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
KAUGNAY NA BALITA: DPWH Sec. Bonoan, inaming 'ghost projects' ilan sa flood-control projects ng Wawao Builders!
Sa mga susunod na araw ay inaasahang magpapatuloy ang mainit na imbestigasyon tungkol dito.